Filtered By: News
News

RH bill, hindi tungkol sa sex at relihiyon, ayon kay Rep. Lagman


Sa harap ng mga prayer vigil na isasagawa ng Simbahang Katoliko laban sa pagpasa ng Reproductive Health (RH) bill, muling iginiit ng isang kongresista ang pangangailangan na maisabatas ang kontrobersiyal na panukala. Sa isang pahayag nitong Sabado, binigyan-diin ni Albay Rep. Edcel Lagman, awtor ng RH bill, na hindi usapin tungkol sa relihiyon o pakikipagtalik ang isinusulong niyang panukalang batas. “RH (bill) is not about sex and religion, it is about health, human rights and sustainable human development," paliwanag niya. Una rito, nanawagan si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na magsagawa ng mga prayer vigil bago sumapit ang Agosto 7, ang araw na dedesisyunan ng Kamara de Representantes kung itutuloy o pagpapahingahin na ang pagtalakay sa kontrobersiyal na panukala. Mariing tinututulan ng Simbahan ang naturang panukalang batas na nagsusulong paggamit ng artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya o paggamit ng mga contraceptive at iba pa. Sa ipinalabas na pahayag ni Lagman, umaasa siyang didinggin din sa dasal ang umano’y daing ng kababaihan tungkol sa problema sa kanilang kalusugan, unwanted at teenage pregnancies at laganap na kahirapan na kasama umano sa nais matugunan sa RH bill. “God will listen to prayers which elevate human life and development, and not to supplications which denigrate people’s quality of life and children’s advancement," ayon sa kongresista. “Bishops will cease to be intermediaries to God if they go against the well-intentioned clamor of the people which is the voice of God," dagdag niya. Iginiit pa ni Lagman na ilang beses na umanong lumitaw sa mga pag-aaral na mas nakararami ang mga Pilipino ang pabor sa pagpapatupad ng RH bill. “Empirical and periodic surveys have documented that the Filipino people want the immediate enactment of the RH bill and for government to use public funds for family planning including the purchase and distribution of non-abortive contraceptives," aniya. Bahagi ng demokrasya Samantala, nanawagan naman ang isang opisyal sa Malacañang na panatilihing mapayapa ang mga protesta laban sa reproductive health (RH) bill. “[ang pagpoprotesta] kasama sa ating democratic free space 'yan.... Ang ating hiling sa balak magprotesta sana maging mapayapa ang ating [pagkilos]," pahayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Kinatigan din niya ang posisyon ng ilang mambabatas na ang pagsuporta sa RH bill ay hindi indikasyon ng pakikipaglaban sa Simbahang Katoliko. Iginiit din niya na malinaw ang posisyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III para sa responsableng pagpapamilya. “Kailangan responsible ang magulang natin, kailangan [tiyakin ng mga magulang] na maaayos ang kakayahan... at ng resources para mabigyan ng maayos at maaaliwalas na buhay ang kanilang mga supling," ayon kay Valte. -- RP/FRJ, GMA News