Filtered By: Topstories
News

Ilang mga bata, ginamit ng pari sa kanyang anti-RH bill sermon


Matapos isagawa ang prayer rally sa pamumuno ng mga Katolikong obispo nitong Sabado laban sa kontrobersyal na panukalang reproductive health, patuloy pa rin ang kampanya ng ilang mga pari laban dito.
 
Ikinagalit ng ilang mga dumalo sa misa sa Immaculate Heart of Mary Parish sa Diliman, Quezon City nitong Linggo ng hapon ang paggamit ng kanilang parish priest sa kabataan bilang bahagi ng kanyang "anti-RH" na sermon.
 
Ayon kay Mimi Abesamis, isa sa mga dumalo sa misa, nagulat siya nang paakyatin ng pari ang lahat ng mga bata sa harap at tanungin ang mga ito ng: "Kayo ba ang dahilan ng kahirapan sa Pilipinas?"  
Pinapunta ni Fr. Angelito Ancla, CMF, ang mga bata sa harapan ng altar sa kanyang sermon nitong Linggo sa Immaculate Heart of Mary Parish sa Diliman, Quezon City. Kuha ni Mimi Abesamis
Dahil sa kanyang natunghayan, naramdaman niyang kinailangang kuhanan ng litrato ang kaganapan. "I was so shocked na ganoon ang ginawa niya sa kids. I just had to document it," kanyang inihayag sa GMA News Online.
 
Kwento niya, mahigit sampung minuto umanong nakatayo ang mga bata sa harap habang nagsesermon ang pari tungkol sa panukalang RH.
 
Dagdag niya, nagpapasalamat siya na hindi niya pinapunta sa harap ang sarili niyang anak. "Thank God. Akala namin may special blessing. Ayon pala tungkol sa RH," aniya.
 
Samantala, sa hiwalay naman na panayam, iginiit ni Father Angelito Ancla, CMF, ang paring nagdaos sa nasabing misa, na nais lang niyang ipakita ang kanyang punto.
 
Ayon sa kanya, isinagawa niya ang kanyang sermon sapagkat nais niyang ipaglaban na hindi umano mga bata ang sanhi ng kahirapan sa bansa, taliwas umano sa paniniwala ng mga panig sa panukalang RH.
 
"The point of those who want the RH bill passed, the Philippines is becoming so many that's why we are poor; overpopulation is the cause of poverty," aniya.
 
"The pro-RH bill is having that kind of argument and that is very unfair," ayon sa kanya.
 
Katiwalian
 
Patuloy niyang iginigiit na hindi umano ang kabataan ang dahilan sa kahirapan sa bansa. "It's not the children's fault. Corruption is the cause," aniya.
 
"We are 95 million [Filipinos]. The money, the tax is not used properly," dagdag niya.
 
Ayon sa kanya, nais niyang gamitin ng gobyerno ang pera ng bayan sa tamang paraan. 
 
"The value added tax, every time we buy at the tindahan, we are charged tax. Pork barrel—it should be used by the people in improving schools, hospitals, providing medical needs, improving roads, giving scholarships and education," aniya.
 
Hindi rin umano siya sang-ayon sa inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang State of the Nation Address.
 
Matatandaang sa kanyang SONA noong ika-23 ng Hulyo umani ng papuri ang Pangulo dahil sa inihayag niyang pagsuporta sa umano'y responsible parenthood.
 
Ayon sa Pangulo, overpopulation umano ang dahilan sa kakulangan ng mga silid-aralan at mga textbook sa mga pampublikong paaralan.
 
“Ngayong paubos na po ang backlog sa textbooks, sana po ay maiwasan na rin ang backlog sa estudyante. Sa tingin ko po, responsible parenthood ang sagot dito,” ayon kay Aquino.
 
Ayon kay Fr. Ancla, hindi siya naniniwalang walang kakayahang magbigay ang gobyerno ng mga kinakailangan ng mga mamamayan.
 
"We even lend funds to Europe," aniya. "Why not use that to buy books and facilities?"
 
Kabataan bilang 'social resources'
 
Naniniwala si Fr. Ancla na maaari umanong ituring na social resources ang mga kabataan.
 
"They should see that children are our social resources," aniya. "If they are educated well, they are the ones who will build our country."
 
"I am showing the reality that the children are treasures," dagdag niya.
 
Palakpakan
 
Ayon kay Fr. Ancla, marami umanong nagpalakpakan sa kanya matapos ang kanyang sermon.
 
Sa katunayan, may ilan umanong mga lumapit sa kanya at sumang-ayon. "Some people came to me, that they agree," aniya.
 
"I am showing the reality that the children are treasures," aniya. "People were clapping hard."
 
Ayon naman kay Abesamis, mayroon umanong nagpalakpakan ngunit "hindi ito masigabong." –KG, GMA News