advertisement
Filtered By: News
News

PNoy, umalis na patungong Cambodia para sa ASEAN summit; biyahe, gagastusan ng P11-M


Tumulak na patungong Cambodia si Pangulong Bengino "Noynoy" Aquino III nitong Sabado ng gabi upang dumalo sa 21st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit. Pinamunuan ni Aquino ang delegasyon ng Pilipinas na binubuo ng 54 katao kasama na ang ilang miyembro ng Gabinete. Tumulak ang grupo ni Aquino patungong Phnom Penh dakong 7:00 p.m. Bago umalis, inihayag ni Aquino na inaasahan niya na ang kanyang partisipasyon sa pagtitipon ay magbubunga ng magandang balita para sa ekonomiya tulad ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino. Dagdag pa nito, umaasa siya na magdudulot ng mas matatag na regional security, at benepisyo para sa mga overseas Filipino workers ang nasabing pagpupulong. Bukod sa Pilipinas, ang mga bansang kalahok sa ASEAN Summit ay Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Myanmar, Cambodia at Laos. Nauna nang sinabi ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) na pupulungin ni Aquino ang iba pang matataas na lider ng ASEAN at ng East Asian Partners (EAP) upang lalo pang patibayin ang kooperasyon ng mga bansa sa Silangang Asya. Sa pagtitipon ng mga pinakamatataas na lider ng bansa sa Silangang Asya, inihayag ng PCOO na ilalahad ni Aquino ang posisyon ng bansa kaugnay sa maritime security sa West Philippine sea, human rights at proteksyon ng mga OFW. Kahit na pinayuhan ng mga duktor na ipahinga muna ang katawan dahil sa karamdaman, nagpumilit umano ang pangulo na tumuloy sa biyahe, ayon kay Maria Montelibano, direktor ng national event na nasa ilalim ng PCOO. Dagdag pa nito, nagtrabaho pa rin si Aquino nitong Sabado kahit pa sinisipon. Sa kabilang banda, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na pinilit umanong makadalo ni Aquino sa pagtitipon dahil mahalaga ito. "This is in light of the preparations already made and the importance of the gathering for the formation of a regional consensus to ensure stability and peace in ASEAN," ani Valte. "The President also believes recent developments in other parts of the world requires dialogue among ASEAN and other leaders on the potential economic and security impact of these events on the region," dagdag pa niya. Umaabot sa P11 milyon ang gastusin sa nasabing biyahe ni Aquino sa Cambodia na tatagal ng tatlong araw, mula November 18 hanggang 20. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News
LOADING CONTENT