Filtered By: News
News

Manila Vice Mayor Isko Moreno, 5 pang konsehal, dinakip ng mga pulis dahil sa pa-bingo


Inaresto ng mga pulis si Manila Vice Francisco "Isko Moreno" Domagoso, at lima pang konsehal dahil sa umano'y pagkakasangkot sa iligal na sugal, partikular ang pa-bingo. Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV Live nitong Sabado, iginiit ni Moreno na wala silang nilalabag na batas at hindi umano maituturing na iligal na sugal ang bingo. Ayon sa mga pulis sa station 3 ng Manila Police District, pinuntahan nila ang barangay 384 sa Tambunting matapos makatanggap ng reklamo na mayroong nagpapa-bingo sa lugar. Naabutan umano sa lugar sina Moreno at mga konsehal. Kinumpiska ang mga gamit sa bingo gaya ng tambiyolo at bingo card. Dahil nagkaroon ng kaguluhan, dinala sa ospital ang grupo ni Moreno para isailalim sa medical check-up. Ilang pulis din umano ang nasaktan dahil sa pag-alma ng ilang residente. Nagtungo naman sa himpilan ng pulisya si dating Pangulong Joseph Estrada para magpakita ng suporta kay Moreno, na running-mate niya sa darating na May elections. Tatakbong alkalde ng Maynila si Estrada kung saan makakabangga niya ang kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Alfredo Lim. Mahaharap sina Moreno sa kasong paglabag sa illegal gambling at obstruction dahil hinarangan umano ang mga daanan. Pag-aaralan din kung nilabag nina Moreno ang Omnibus Election Code dahil nakalagay ang pangalan ng ilang kandidato sa pa-bingo. Hindi na iligal Sinabi naman ni Moreno na nasa lugar siya para tulungan ang mga kasamahan niyang konsehal. Hindi rin umano iligal ang bingo batay sa ginawang pag-amyenda ng Kongreso sa Presidential Decree 1602 na nagsasaad na bawal magpa-binggo sa pampublikong lugar. Paliwanag ng bise alkalde, sa ipinasang batas ng Kongreso na Republic Act 9287, inalis na sa listahan ng mga illegal gambling ang bingo at ginawa na lamang itong uri ng parlor games. Bukod dito, wala rin umanong taya sa bingohan. Pagkatapos ng medical check-up, inaasahang ibabalik sa presinto ang grupo ni Moreno. Dahil sarado ang mga korte ngayong Sabado at Linggo, posibleng sa kulungan sila matulog hanggang sa magkapag-piyansa sa Lunes, ayon sa ulat. - FRJImenez, GMA News
LOADING CONTENT