Filtered By: News
News

Bilang ng kumuha ng UPCAT ngayong taon, pinakamataas sa kasaysayan ng UP


Mahigit 83,000 mag-aaral na nag-aasam maging Iskolar ng Bayan ang nakatakdang kumuha ng UPCAT o University of the Philippines College Admission Test ngayong Sabado at Linggo.

Ayon sa UP Office of Admission, aabot sa kabuuang 83,079 ang mga nagpalista upang kumuha ng pagsusulit—ang pinakamataas na bilang ng mga estudyante na gustong pumasok sa kolehiyo sa buong kasaysayan nito simula noong 1908.

Sa ulat ni Dano Tingtungco sa programang “24 Oras Weekend,” marami umano ang na-eenganyong mag-aral sa UP dahil sa prestihiyoso ang paaralan at mababa ang tuition nito.

Samantala, ayon sa ulat, inaasahang 16 hanggang 17 porsiyento lamang ng mga kumuha ng exam ang maaaring makapasok sa unibersidad.

Ayon din sa Office of Admissions, may ilang pagbabago sa exam ngayon taon. Wala na umano ang essay na pinagkaguluhan noong nakaraang taon dahil sa mga nakakatawa at kakaibang konteksto ng mga tanong.

Pinalitan na rin ng braille format ang dating dictation type exam para sa mga estudyanteng may kapansanan. Sa Agosto 9, nakatakdang kumuha ng special UPCAT ang mga bulag na estudyante, samantalang sa Agosto 7 nakatakdang kumuha ng exam ang mga estudyante may problema sa pandinig. 

Marami na ang kumuha ng exam ngayong Sabado, at marami pa rin ang nakatakdang mag-UPCAT sa Linggo sa iba’t ibang campus ng UP at sa iba pang special testing centers sa mga probinsya. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News