Filtered By: Topstories
News

NDRRMC: Mga naitalang nasawi sa bagyong Yolanda, mahigit na sa 4,000


Lumampas na sa 4,000 ang bilang ng mga nasawi sa bagyong Yolanda, habang aabot naman sa 10 milyon na ang mga apektadong residente, ayon sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Miyerkules.

Sa update nito ng 6 a.m., sinabi ng ahensiya na umakyat na sa 4,011 ang bilang ng namatay sa bagyo, samantalang 18,557 naman ang sugatan at 1,602 ang patuloy na pinaghahanap.

Nasa 2,145,359 naman na pamilya o 9,996,065 na tao ang naapektuhan sa 10,716 na barangay sa 44 na probinsiya. Sa bilang na ito, 85,562 na pamilya o 398,377 na katao ang nananatili sa mga evacuation center.

Nagkakahalaga na ng P12,238,957,467.92 ang pinsalang dulot ni Yolanda, kabilang ang P1,791,321,615 sa imprastraktura at P10,447,635,852.92 sa agrikultura.

Nawasak naman ang 323,454 na bahay at 324,706 naman ang nagtamo ng pinsala.

Nagkakaroon pa rin ng problema sa kuryente sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Bicol at Visayas. Nasa 566 na transmission towers at poles ang tumumba o tumagilid.

Nanalasa si Yolanda sa Visayas at bahagi ng timog Luzon noong Nobyembre 8, at nag-iwan ng malawakang pinsala.

Mula Linggo hanggang Martes, nasa mga apektadong lugar si Pangulong Benigno Aquino upang pangunahan ang rehabilitation work doon.

Bumalik siya sa Maynila noong Martes. — JGV /LBG, GMA News