advertisement
Filtered By: News
News

Mga kabataang sumasabak sa 'premarital sex,' dumadami


Lumitaw sa isang pag-aaral na dumadami ang mga kabataan na nakikipagtalik sa ka-partner na hindi pa nila asawa.  Napag-alaman din apat sa bawat 100 kabataan ang nakipagtalik umano sa taong nakilala lang nila sa internet o naging text mate.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV's "State Of The Nation" nitong Huwebes, sinabing sakop ng pag-aaral na 2013 Young Adult Fertility and Sexuality Study o YAFS 4 na ginawa ng UP Population Institute at Demographic Research and Development Foundation, ang mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24.

Sa pag-aaral na ginawa nitong 2013, lumitaw na isa sa bawat tatlong kabataang Pinoy ang sumasabak sa premarital sex. Katumbas umano ito ng 6.2 milyon kabataang Pinoy na kumakatawan sa 32 porsiyento, na mas mataas sa naitalang 23.2 porsiyento noong 2012.



Nakakabahala din umano na karamihan sa mga umaming sumasabak sa premarital sex ay walang proteksiyon kapag nakikipagtalik na ang resulta at pagbubuntis ng wala sa plano at posibleng pagkakaroon ng sexually transmitted diseases o STD.

Basahin: Teenage pregnancy in PHL highest among 6 major ASEAN economies—UNFPA

Llumabas din sa pag-aaral na mas marami ngayon ang paraan ng sexual activities ng mga kabataan na casual sex o pagtatalik ng walang emotional attachment at nadadagdagan din pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki.

Ayon kay Josefina Natividad, director, UP Population Institute, dahil sa modernong teknolohiya ang nagkakaroon ng paraan ang mga kabataan na may makakilala.

Sa ganitong pagkakataon, sinabing mahalaga umano ang magiging papel ng mga magulang at maging ng buong komunidad na ginagalawan ng isang kabataan.

"May mga vulnerabilities dito tapos hindi naman handa ang mga magulang na pag-usapan ang mga bagay tungkol sa sekswalidad. Sana naman maging handa ang mga bata natin para dito," ayon kay Michael Tan, anthropologist.

Bagaman nababahala rin, tiniyak naman ni Dr. Rosalie Paje, Family Health Office, DOH, na patuloy ang ginagawa nilang kampanya para tumugon sa naturang usapin. -- FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT