Filtered By: News
News

Mga kandidatong mayor sa Maynila naghain ng CoC


Isa-isa ng naghain ng kanilang kandidatura nitong Lunes ang mga tatakbong alkalde ng Maynila sa darating na halalan sa Mayo. Kabilang sa mga nagtungo sa tanggapin ng Commission on Election (Comelec) para maghain ng kanilang certificate of candidacy (CoC) si Ali Atienza, anak ni outgoing Manila Mayor Lito Atienza, na nakakompleto na ng tatlong termino o siyam na taon. Magiging running mate ng batang Atienza si dating Manila Councilor Don Bagatsing, anak ni dating Manila Rep. Ramon “Dondon" Bagatsing. Naghain na rin ng CoC si Sen. Alfredo Lim sa pagka-alkalde ngunit hindi nito kasama ang kanyang magiging bise-alkalde na si Rep. Joey Hizon, na sinasabing maghahain ng kanyang kandidatura sa Miyerkules. Kinumpirma ni Hizon sa GMANews.TV nitong Lunes ng gabi ang kanyang pag-atras sa mayoralty race upang tanggapin ang alok ni Lim na maging runningmate. Ang tambalang Lim-Hizon ang pinapaniwalang babasbasan ni dating Pangulong Joseph Estrada upang magiging pambato ng Genuine Opposition (GO) sa labanan sa Maynila. Ibinato rin ni Rep. Rodolfo Bacani ang kanyang sombrero sa mayoralty race. Si Rep. Bacani ay kapatid ni Novaliches Bishop Teodoro Bacani. Inaasahan din na maghahain ng kanilang kandidatura sa pagka-alkalde sina Manila incumbent Vice Mayor Danny Lacuna at Marissa Jimenez, kapatid ni dating Manila Rep. Mark “MJ" Jimenez. Sa Caloocan City, pormal nang hihirit sa kanyang ikalawang termino si Caloocan City mayor Enrico “Recom" Echiverri. Kasama ni Echiverri na naghain ng kandidatura ang kanyang runningmate na si Councilor Henry Cammayo, sa ilalim ng partidong Lakas-CMD. Tatakbo naman bilang kongresista sa unang distrito ng Caloocan ang anak ni Echiverri na si Ricojudge Janvier “RJ" Echiverri, kasalukuyang pangulo ng Liga ng Barangay sa lungsod. Makakaharap ni Echiverri sa pagka-alkalde ng Caloocan sina dating Mayor Rey Malonzo, Macario Asistio at kapatid nitong si Rep. Luis “Baby" Asistio. Kasabay nito, naghain na rin ng kanyang kandidatura sa pagka-konsehal ang aktres na si Marjorie Baretto, asawa ng actor at last termer councilor na si Dennis Padilla. Sa Pasig, nagsumite ng kanyang CoC sa pagka-alkalde si Rep. Robert "Dudut" Jaworski upang kalabanin si Bobby Eusebio, anak ni outgoing Pasig Mayor Vicente "Enteng" Eusebio. Si Jaworski ay anak ni dating Sen. Robert "Big J-Sonny' Jaworski, na tinaguriang "Living Legend" sa Philippine Basketball Association (PBA).-Fidel Jimenez,GMANews.TV.