Filtered By: Topstories
News

'High-tech' bosero na nambibiktima ng mga kolehiyala sa Maynila, arestado


Nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaki na gumagamit ng cellphone camera para mabosohan ang mga babae na kaniyang binibiktima sa Maynila. Ang kuha ng video sa kaniyang cellphone, ina-upload pa niya sa internet para maging "in" sa grupo ng mga contributor sa porn sites.

Hindi na nagawang maitanggi ng suspek na si Sonny Boy Pacursa, 27 anyos, ang akusasyon laban sa kaniya matapos makunan siya sa closed-circuit-television camera ng isang convenience store sa España, Maynila habang nambibiktima ng isang babae.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nahuli sa akto ng pamboboso ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division si Pacursa.

Inamin naman ng suspek ang kaniyang kasalanan at idinahilan ang pagiging lulong umano niya sa pornograpiya bilang ugat ng kanyang pamboboso at pag-uupload ng video sa internet.



Sa kuha ng CCTV video, nakita ang suspek na pumasok sa loob ng isang convenience store at agad na pumuwesto sa likuran ng isang babaeng nakapalda. Isinagawa niya ang pamboboso gamit ang kanyang cellphone na nakaipit sa itim na backpack.

Matapos makunan ng video ang ilalim ng palda ng kaniyang biktima, pasimple naman nitong kinunan ang mukha ng babae.

Ang kanyang mga kinunang video, ina-upload niya sa mga pornographic site para mapanood sa internet, ayon sa pulisya.

Aabot umano sa 76 ang nabiktima ni Pacursa na karamihan ay mga estudyante, empleyado ng bangko at mga magagandang young professionals na bumibili sa mga convenience store, naghihintay ng masasakyan, at maging sa loob ng eskwelahan.

Ayon kay Reonel Balgos, special agent ng NBI-Cybercrime Division, pinipili ng suspek ang kaniyang mga binibiktima na pawang magaganda.

Nang mahuli ang suspek, ilang babae na nabiktima umano nito ang napasugod sa tanggapan ng NBI. Ikinatuwa nila ang pagkakadakip kay Pacursa at pursigido silang sampahan ng reklamo ang suspek.

Ayon kay Balgos, sasampahan nila ng kasong paglabag sa anti-voyeurism at child abuse si Pacursa dahil ilan sa mga nabiktima nito ay menor de edad.

Nabawi mula kay Pacursa ang bag at cellphone na kanyang ginagamit sa pamboboso at dalawang memory card na naglalaman ng iba pang mga video na hindi pa naa-upload sa internet.

Tiniyak naman ng NBI na patuloy ang pagtutok sa kaso para mahuli ang mga posibleng kasama ng suspek, ayon sa ulat. -- FRJimenez, GMA News