Filtered By: Topstories
News

Suspek sa paghalay at pagpatay sa Bulacan, arestado matapos dumalaw sa burol ng biktima


Arestado nitong Lunes ang isang hinihinalang suspek sa paghalay at pagpatay sa 26-anyos na babae sa Calumpit, Bulacan matapos bumisita sa burol ng biktima.
 
Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa "24 Oras," isang jeepney driver ang dumating kasama ang asawa nito sa burol ni Anria Espiritu nitong Lunes ng tanghali matapos umanong mabalitaan ang pagkamatay sa biktima.
 
Giit ng drayber, naisakay niya si Anria noong Miyerkules ng gabi.
 
Nang makaalis na ang drayber at ang kanyang asawa, nagsimulang magduda ang mga kaanak ni Anria. Napansin daw nila ang mga galos at kalmot sa katawan ng drayber.
 
Bumalik ang mag-asawa bandang alas-tres ng hapon, at dinampot na ng pulisya ang drayber.
 
Pagkatapos paghubarin, nakita sa katawan ng suspek ang mga sugat. Pero giit ng drayber na nakilalang si Elmer Joson, 45 taong gulang, galing sa away nila ng kanyang misis nitong umaga ang kanyang mga sugat.

 
 
Pero sa naunang panayam kay Jiggy Manicad sa QRT, sinabi ni Supt. Ophelio Dakila Concina, Jr., hepe ng Calumpit Police Station, na hindi sariwa ang ibang mga sugat ng drayber.
 
"Nung tinignan namin ang katawan, may nakita po kaming mga kalmot. Sariwa pa rito sa leeg. Tapos yung sa may katawan, tuyo na," pagsasalaysay ni Concina.
 
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang jeep na maaari raw na ginamit sa krimen. Mayroon na ring lead sa iba pang suspect, ayon kay Concina.
 
Bago dito, dalawa pang suspek ang inaresto at sumasailalim sa interogasyon.
 
Galing sa gimik
 
Ayon sa salaysay ng ina ng biktima, huling nakitang buhay ang kanyang anak noong nakaraang Miyerkules pagkatapos umanong magpaalam na gumimik. "Pinaalalahanan ko po siya (bago umalis noong Miyerkules). 'Yun po kasi, parang sosyal manamit. Sabi ko, bakit ka ganyang manamit? Uso na raw ang ganun," ani Aling Gloria.
 
Hindi na na-kontak ang biktima pagkaraan ng alas-dos ng madaling araw ng Huwebes. Noong araw din natagpuan ang bangkay ng biktima, walang saplot at tadtad ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan. 
 
Namataan din sa crime scene ang isang screwdriver at kadena, na hinihinalang ginamit sa pagpaslang kay Anria.
 
Kwento ng ina, mahilig mag-post ng mga larawan si Anria sa social networking site na Facebook. Pinagsabihan niya raw ito na bawas-bawasan ang pagpo-post dahil na rin sa posibilidad na makaakit ng masasamang loob.
 
Kutob pa niya, kakilala ng biktima ang mga salarin. Posible rin aniyang taga-roon lang din ang mga ito dahil tila kabisado nila ang lugar.
 
Umaasa naman siya na mabigyang hustisya ang karumaldumal na pagpaslang sa anak. "Sana ma-solve na ang imbestigasyon. Umaasa ako sa Panginoon na magkakaroon ng katarungan ang anak ko."
 
Task Force Anria
 
Bumuo ang Calumpit Police Station ng Task Force Anria para sa mas mabilis na pagresolba ng kaso.
 
Ayon sa forensics investigation, hinihinalang apat ang salarin dahil sa apat na trace ng semen na natagpuan sa katawan ng dalaga.
 
Wala namang nakitang karagdagang ebidensya mula sa CCTV malapit sa crime scene dahil sa malabong kuha nito.
 
Kung may nais magbigay-alam sa pulisya hinggil sa kaso ni Anria, maaaring ma-contact si Supt. Ophelio Concina sa numerong 09291774382. — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News