Filtered By: Topstories
News

Kaso ng rape sa bansa, posible raw mas marami pa kung magsusumbong ang lahat ng biktima


Sa loob lamang ng halos dalawang linggo, tatlong malalaking kaso ng panghahalay na naganap sa iba't ibang bahagi ng bansa ang naibalita.
 
Kamakailan lamang, lumabas ang isang CCTV footage ng isang dalagitang tumalon nang hubo't hubad mula sa sasakyan ng isa umanong dayuhan na gumahasa sa kaniya sa Mandaluyong City. 
 
Kasabay nito ang paghatid din sa huling hantungan ng 26-anyos na si Anria Espiritu sa Calumpit, Bulacan, na hinalay at pinatay ng hinihinalang apat na kalalakihan noon lamang nakaraang linggo. Natagpuan ang bangkay ni Anria na may mga saksak sa katawan sa palayan sa nasabing lalawigan.
 
Idagdag pa ang kaso ng pang-aabuso ng pedicab driver sa isang 10-anyos na babae sa Cagayan de Oro City, na naospital pa ang biktima dahil sa pagdurugo.
 
Ilan lamang ito sa mga kaso ng rape na naibabalita sa media, na kasama sa tumataas na insidente ng pang-aabuso sa kababaihan sa bansa sa paglipas na mga taon.
 
Ayon sa GMA News Research Team, noong nakaraang 2013, nakapagtala ang Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ng 5,493 na insidente ng panghahalay sa kababaihan, kabilang ang mga bata.

Sa talaan naman ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (PNP-DIDM), na mother unit ng WCPC, umabot ng 7,409 kaso ng rape ang nai-report sa pulisya noong nakaraang taon.
 
At ngayon taong 2014, mula Enero hanggang Marso, 874 kaso na ng rape ang naitala sa mga police at barangay. Sa datos na nakapaloob sa tatlong buwang ito, halos 9.7 insidente ng rape ang nagaganap kada araw sa unang yugto pa lamang ng taon. 
 
Samantala, 432 kaso naman ng panghahalay sa kabataan ang naitala ng DSWD mula Enero hanggang Hunyo ng 2014. Higit sa kalahati ng bilang na ito ang 14-18 anyos lamang (232).
 
Unreported rape cases
 
Sa kabila ng bilang na ito, aminado ang mga awtoridad na marami ang mga insidente ng panghahalay ang hindi na ipinaparating sa kanila.
 
Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), isang institusyong nagpapalaganap ng women empowerment, higit na mas mataas pa ang insidente ng rape kaysa sa mga naitatala sa mga awtoridad dahil na rin sa mga hindi naisusumbong na pang-aabuso sa biktima.

Isang 'brave step' umanong maituturing ang paglapit ng isang biktima ng rape sa awtoridad, ayon kay CWR Executive Director Jojo Guan sa isang panayam sa GMA News Research.
 
“Batay sa aming experience, ang isang nabibiktima, lalo na 'pag bata, 'di kaagad siya nagkukuwento lalo na 'pag tinatakot. Pina-process din muna ng isang rape victim sa sarili niya kung anong nangyari sa kaniya. At usually, ano 'yon, talagang depression muna. Kaya isang brave step 'pag ikaw ay nakapag-report,” paliwanag niya.
 
Mapapatunayan aniya ang pag-iral ng unreported rape cases dahil sa mga kuwentong kanilang dinidinig sa mga community orientations sa mga barangay hinggil sa karahasan laban sa kababaihan at kabataan.
 
Sinabi nito na marami sa mga biktima ang nahihiya at natatakot dahil sa nangyari sa kanila. 
 
“Maraming nagkukuwento, tapos kung minsan nga in third person — ang kapitbahay namin… may kaibigan ako…  'Pag tinanong mo, nasabi niyo po ba 'to sa barangay o pulis? Hindi (raw). Kasi nga natatakot, o iniisip nila na nakakahiya. Kaya sa ganun pa lang, sa marami na naming nakakausap,  ibig sabihin marami pa ring hindi pumupunta,” ani Guan.
 
Sa datos mula sa PNP-WCPC, pinakamarami ang naitalang kaso ng rape sa CALABARZON area (833) at sa National Capital Region (599), habang pinakamaliit naman ang bilang sa ARMM (29).
 
Ani Guan, nakakatulong ang pagpapalaganap ng awareness upang mahikayat na magsumbong ang mga biktima.
 
Giit niya, “Kung mataas nga ang awareness dun sa community na ito ay puwedeng ihapag sa barangay o sa pulis, mas marami ang mare-report. Kaya kung titingnan mo rin, marami sa NCR. Kasi dito, maraming awareness-raising, at yung nearby communities.”
 
Ayon kay PNP WCPC Chief Juanita Nebran, patuloy ang kanilang kampanya na naghihikayat sa mga biktima na lumapit sa awtoridad.
 
Aniya, “Meron kaming ginagawang advocacies sa schools, sa communities, ina-advocate namin na 'wag silang matakot, 'wag mahihiya, lumabas na kayo, mag-report kayo.”
 
'Culture of Silence' 
 
Habang patuloy na tumataas ang mga kaso ng rape sa buong bansa, aminado si Guan na hindi nasasalamin ng datos ang tunay na bilang ng mga nabibiktima ng panggagahasa. 

 
Maraming biktima ang nasasadlak sa 'culture of silence,' o iyong pipiliin na lamang manahimik dahil sa mga kinatatakutan na magiging kahihinatnan ng pagsusumbong, lalo na sa mga lalawigan sa Mindanao.
 
Tila habang dumarami ang nanghahalay, lalo ring dumarami ang mga pinipiling manahimik.
 
Itinuturong isa sa mga dahilan nito ang "victim-blaming," o ang pagpasa ng sisi sa biktima imbes na ituon ang imbestigasyon sa akusado.
 
Maaaring maapektuhan ang pasya ng biktima na magsumbong ayon sa ikinikilos ng taong nakapaligid sa kanya, lalo na ang kanyang pamilya, mga kaibigan at awtoridad na humahawak ng kanyang kaso.
 
Nakalulungkot daw isipin na kadalasan na sa oras na mag-report ang isang biktima ng rape, mas dadami pa ang pagsubok na kaniyang kakaharapin, sa halip na makatanggap na lamang ng tulong mula sa awtoridad.
 
Napuna ng CWR ang mga pagkakataon na tila hinuhusgahan pa ng awtoridad ang biktima.
 
Nariyan ang mga tanong kagaya ng “Bakit kasi gabi ka na umuwi?” “Ano ba yung damit mo?” “Bakit di ka nagpasama?” “Bakit ka nakipag-inuman doon, kababae mong tao?” 
 
Hindi rin malayong manggaling ang mga ito sa pamilya at mga kaibigan ng biktima, maging sa mga taong nakabalita lamang ng insidente.
 
Dahil dito, sisisihin na ng biktima ang kanyang sarili, na maaari pang mauwi sa pag-atras na lamang ng kaso.
 
“Mas kailangan talaga nila ng suporta at pang-unawa lalo na ng malalapit sa kanila. Pero kung yung mga mas pinakamalalapit sa kanila ang siyang nang sumuko at umurong... lalo na pag menor de edad tapos yung nanay o tatay pa ang kulang sa support system, ang isang biktima ng rape ay talagang uurong,” ayon kay Guan.
 
Ginagawa naman daw ng PNP ang lahat upang mapabuti ang pagharap sa mga inilalapit na insidente ng rape sa kanila. 
 
Nagsasagawa sila ng mga pagsasanay at specialized courses hinggil sa pangangasiwa ng mga kasong sangkot ang pang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
 
Sa huli, hinihikayat ng pulisya ang mga biktima na magsumbong dahil wala na umanong ibang paraan para malaman ang kaniyang sinapit kung hindi sa pamamagitan ng pagdulog ng biktima sa awtoridad para makamit niya ang hustiya. -- BRDabu/FRJ, GMA News

Tags: rape