Filtered By: Topstories
News

Mga nagpabinyag, pinagalitan ng pari dahil sa mahinang pagsagot ng ‘Amen’


Nadismaya ang pamilya, mga kaibigan, ninong at ninang ng isang sanggol na nagpabinyag kamakailan lamang sa EDSA Shrine Parish dahil sa hindi umanong magandang pagtrato sa kanila ng pari at isa pang tauhan ng simbahan.

Ayon sa ulat ni Steve Dailisan, pinagalitan umano ng pari ang mga ninong, ninang, at mga magulang ng bata dahil sa mahinang pagsagot ng 'Amen,' na pinabulaanan naman ng mga naroon sa binyag.



Bukod pa rito, mayroon din daw binitiwang hindi magagandang salita ang pari habang binubuhusan ng holy water ang bata.

“Nagawa niyang sabihin na, 'sana hindi lumaking matigas ang ulo 'yung mga anak namin tulad ng [katigasan ng ulo] ng parents, at mga ninong at ninang,'” ayon kay Michael Lacsamana, ama ng bata.

Sa una'y, nag-walk umano ang pari, kaya nagtanong ang isa sa mga ninong sa isang tuahan ng simbahan kung matutuloy pa ang binyag, ngunit hindi rin umano maganda ang sagot ng tauhan ng pari.

Ani Mark Prianes, ninong ng sanggol, “(Sabi ko) 'Isa ako sa mga ninong. 'Wag kang sumigaw. Nagtatanong lang ako. That's rude.' And then sabi nung assistant, 'Rude pala eh. Edi ikaw ang tumawag kay Father.' The priest tried to finish the baptismal ceremony as fast as he could. As in, ang bilis. And then right after nung ceremony, sabi nung priest... 'O ayan, tapos na. Magsialis na kayo.'”

Masama ang loob ng pamilya dahil sa insidente.

Ayon sa ama ng sanggol, “Parang nawala yung solemnity ng binyag ng baby ko. Maraming nagsasabi sa akin na ulitin ko yung binyag.”

Inilagay ni Mark sa Facebook ang umano'y nangyari sa binyagan, at agad naman umanong nakakuha ng atensyon ng netizens at maging ng pamunuan ng simbahan.

Humingi umano ng paumanhin ang pamunuan ng EDSA Shrine sa pamamagitan din ng Facebook.

Bukod pa rito, humingi rin ng tawad, para sa paring nagbinyag, ang rector ng shrine na si Fr. Nilo Mangussad.

Sa isang pahayag na ipinaabot kay Peachy Yamsuan ng Archdiocesan Office of Communications, kinumpirma ng pamunuan ng shrine na humingi na ng paumanhin si Mangussad sa pamilya Lacsamana.

“He has been in touch with the person who posted on FB and apologized to him and the baptismal party for whatever hurts and aggravation they experienced because of the behavior of the priest who has humbly accepted fraternal correction and is now on retreat,” nakasaad sa pahayag.

Samantala, hindi pa napag-alaman ang pagkakakilanlan ng pari.

Matatandaang hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kontrobersiyang gaya nito ang ilang pari.

Nitong taon din, isang pari sa Cebu ang kumondena sa isang dalagang ina na nagpabinyag sa kanyang anak. Sinuspende ang pari dahil sa insidente. — Bianca Rose Dabu /LBG, GMA News