Filtered By: Topstories
News

Password sa Facebook account, ipinatubos ng hacker sa biktima sa halagang mahigit P200k


Mistulang kinidnap ng isang hacker ang password sa Facebook account ng isang babae sa Pampanga na kaniyang na-hack at ipinangakong ibabalik kapalit ng P217,000. Ang account ng biktima, pinaglalagyan ng suspek ng mga malalaswang larawan.
 
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's News To Go nitong Huwebes, lumuluhang dumulog ang biktima na itinago sa pangalang Alice sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Pampanga.
 
Kuwento ni Alice, isang lalaki umano ang nang-hack sa kaniyang Facebook account at saka nagpost ng mga malisyosong litrato na pinalalabas na siya.



"Ang sabi niya sa text messages sa pamilya ko, ibinigay ko raw po. Pero pagkakaalam  ko wala akong ibinigay sa kaniyang password ko kasi alam ko password sa atin lang," paliwanag ng biktima.

Isasauli daw ng suspek ang password ni Alice sa account at ititigil na ang pagpost ng mga malisyosong larawan kung magbibigay ito ng P217,000.00.

Ayon kay Alice, mukha niya ang nasa litrato pero inedit daw ito at nilagyan ng ibang nakahubad na katawan ng babae.

Dahil sa ginawa ng suspek, nasira umano ang pamilya ni Alice dahil naghiwalay sila ng kaniyang asawa at  hindi na rin siya pinaniniwalaan ng iba niyang kaibigan.

Kaagad namang nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG at naaresto ang suspek na lumilitaw na kapitbahay ni Alice.

Nakuha umano sa suspek ang limang cellphone na hinihinalang ginamit sa panghahack, isang baril, at ang marked money.

Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag.

Nahaharap siya sa patong-patong na kasong robbery extortion, illegal possession of firearms, at paglabag sa anti-cybercrime law.

Nanawagan naman si SPO3 Macario Somera, chief investigator ng CIDG-Pampanga, sa iba pang naging biktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan at magsampa rin ng reklamo. -- FRJ, GMA News

Tags: hacker
LOADING CONTENT