Filtered By: News
News

Bagong akusasyon kontra sa kanilang pamilya, pinalagan ni Sen. Binay


“I deny, in the strongest possible terms, the latest allegations made against our name. Madali pong mag-imbento ng mga kwento na walang basehan.”

Ito ang reaksyon ni Sen. Nancy Binay kaugnay sa katatapos na ika-5 pagdinig nitong Huweves ng Senate blue ribbon sub-committee sa isyu ng umano'y overpriced building sa Makati City.  

“Marami na pong kwentong inimbento at iimbentuhin pa ang aming mga kalaban upang siraan ang aming pangalan,” aniya.

“Nakalulungkot na ginagamit ang Senado upang magkalat ng mga paratang na walang basehan. It is hard that we all have to go through this just because my father wants to continue to serve the people,” ayon kay Binay.

Sa nasabing pagdinig, isa sa inungkat ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado ang 13 porsiyentong umano'y "kickback" na nakuha ni dating Makati Mayor at ngayo'y Vice President Jejomar Binay sa mga proyekto ng lungsod sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Ayon sa mga akusasyon, hinahati sa tatlong parte ang kickbacks at personal niya itong inihahatid sa bawat isa na nakasilid sa kaniya-kaniyang bag.

Para sa finance officer nito na si Gerry Limingan ang isang parte na inilaan sa vice presidential bid ng ngayo’y VP ng bansa.

Para naman sa assistant ng dating alkalde na si "Ebeng" ang ikalawang parte at para sa anak na dating konsehal at ngayo’y alkalde ng lungsod na si Junjun Binay.

“Bilang isang anak na lumalaki na nakikita ang paghihirap ng aking ama upang mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan, nakalulungkot po ang mga ganitong pangyayari. Ngunit sama-sama pa rin kaming pamilya sa harap hamong ito. However hard this is, we remain focused in serving the people. Tiwala kami sa Diyos na lalabas ang katotohanan,’ wika pa ng bagitong solon.

“Despite all this, I am doing my job and responsibilities as a senator of the Republic, just like my father. We remain focused in serving the people and working to uplift their lives,” aniya.  — Linda Bohol /LBG, GMA News