Filtered By: Topstories
News

Pinoy designer Pia Gladys Perey, ibinida ang mga disenyo sa World Fashion Week


Itinanghal ang mga obra ng Filipino designer na si Pia Gladys Perey sa nagdaang World Fashion Week na ginanap sa Maison de l'Amerique Latine sa Paris, France noong September 30 hanggang October 4.

Ayon sa ulat ng programang "Balitanghali" sa GMA News TV, ibinida sa catwalk ang Spring and Summer collection ng Australian-launched luxury fashion label na PGP ni Perey. Siya ang kauna-unahang Pilipina na naimbitahan sa World Fashion Week, at itinuturing din na opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa ready-to-wear category.

LINK: http://www.gmanetwork.com/news/video/220411/balitanghali/pinoy-designer-pia-gladys-perey-ibinida-ang-collection-sa-world-fashion-week

Hinangaan rin ng mga international fashion designers na naroon ang mga obra ni Perey. Ikinararangal naman ng Filipina designer ang pagkakataong mairepresenta ang galing ng mga Pilipino sa World Fashion Week.

Nakilala ang PGP noong 2007, kung saan ibinida ni Perey ang kanyang mga disenyo sa Rosemount Australian Fashion Week. Simula noon, tinangkilik na ng iba't ibang Hollywood icons ang mga disenyo ni Perey, kabilang sina Carrie Underwood, Kim Kardashian, Angelina Jolie, at iba pa.

Itinampok na rin ang kanyang mga disenyo sa Los Angeles Fashion Week, Miami Fashion week, and Audi New York Fashion week.

Magkakaroon ng showing ng mga disenyo ni Perey sa Manila sa darating na October 23. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News