Filtered By: Topstories
News

Snatcher, natunton ng mga pulis dahil naka-on ang 'GPS' ng ninakaw niyang smartphone


Hindi akalain ng isang dating traffic enforcer sa Bulacan na luminya sa pagnanakaw, na ipapahamak siya ng hinablot niyang bag na may lamang cellphone na naka-on ang global positioning system o GPS technology.

Sa ulat ng GMA news Saksi nitong Biyernes, sinabing nadakip ang suspek na si Marlon Duran, 37-anyos, matapos matunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng cellphone ng isa niyang biktima na mayroong GPS.



Napag-alaman na gabi noong Oktubre 4, nang hablutin umano ni Duran ang bag ng isang 18-anyos na babae sa McArthur highway sa Malolos, Bulacan.

Laman ng bag ang smartphone ng biktima na naka-on ang GPS kaya nagawang tuntunin ang kinaroroonan nito nang magsagawa ng operasyon ang pulisya.

Bukod sa smartphone ng biktima, nakuha rin umano sa bahay ng suspek ang ilan pang cellphone, mga ID at SIM cards.

Napag-alaman na dating traffic enforcer ng Malolos city si Duran pero natanggal sa serbisyo noong nakaraang taon.

Lima pa umanong biktima ni Duran ang lumantad sa pulisya, kabilang ang isang ginang handa raw tumulong sa pagsasampa ng reklamong robbery-snatching sa suspek.

"Hindi lang yung nawalang items sa iyo ang masakit e, yung trauma. Kasi ngayon, 'pag may biglang lalapit sa akin, bigla na akong lalayo," anang ginang. -- FRJ, GMA News

Tags: snatcher, robbery
LOADING CONTENT