Filtered By: Topstories
News

Dating sikat na PBA player na pinaslang noong Nobyembre 2, 1996


Kilala ba ninyo kung sino ang dating sikat na basketball player na naglaro sa PBA ang binaril at napatay ng kaniyang kaibigan dahil sa mainit na pagtatalo sa larong baraha noong Nobyembre 2, 1996?

Unang naglaro sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) si Arnulfo "Arnie" Tuadles bago nakalipat sa Philippine Basketball Association (PBA) sa sikat na koponan ng Toyota.  

Sa 14 na taon na paglalaro niya sa liga, napabilang siya sa iba't ibang koponan tulad ng Ginebra, Great Taste, Shell at Presto, na huling team niya nang magretiro noong 1992.

Nobyembre 2, 1996, nakita ang duguang bangkay ni Tuadles sa International Business Club sa Greenhills, San Juan. Nagtamo siya ng isang tama ng bala sa ulo.

Ang dating Games and Amusement Board official na si Albert "Ambet" Antonio ang itinurong suspek sa krimen na kaibigan ng basketbolista. 

Hinatulan ng korte ng pagkakakulong si Antonio noong 1997 dahil sa pagkamatay ni Tuadles na sinasabing nag-ugat ang away dahil sa paglalaro ng "pusoy dos."

Pero taong 2004 ay inaprubahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang rekomendasyon na bigyan ng conditional pardon si Antonio para makalaya. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia