Filtered By: Topstories
News

Dagdag-singil sa pamasahe sa MRT, LRT, handa raw idepensa ng gobyerno


Handa umano ang mga abogado ng gobyerno upang tumugon sa mga usaping legal na ihahain kontra sa nakatakdang pagtataas sa singil sa pamasahe sa Light at Metro Rail Transit systems simula sa Enero 2015.

Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, patuloy na ipapaliwanag ng Department of Transportation and Communications sa publiko ang dahilan sa likod ng desisyon na itaas ang singil sa pamasahe.

"Handa naman tayong sumagot diyan. Hintayin natin ang magiging decision ng (korte), kung maglalabas ng (temporary restraining order)," paliwanag ng opisyal sa panayam ng dzRB radio.

Ang pahayag ni Valte ay tugon sa mga lumabas na ulat na may mga grupong dudulog sa korte para kuwestiyunin ang fare increase. 

Nauna nang sinabi ni Bagong Alyandang Makabayan (Bayan) secretary general Renato Reyes Jr., na plano nilang idulog sa korte ang fare increase sa Jan. 5, ang unang araw ng trabaho sa 2015.

Sa sandaling maipatupad ang dagdag na singil sa pamasahe, ang pamasahe sa LRT-1 mula Baclaran hanggang Roosevelt ay magiging P29, at P24 naman para sa one-way trip sa LRT-2 mula Santolan hanggang Recto.

Magiging P28 naman ang pamasahe sa MRT-3 na mula North Avenue hanggang Taft Avenue, na kasalukuyang P15 ang singil.

Iginiit ni Valte ang pangangailangan sa dagdag-singil sa pamasahe. Batid din umano ng DOTC ang pangangailangan na mapahusay ang sistema at pasalidad ng LRT at MRT. —FRJ, GMA News

LOADING CONTENT