advertisement
Filtered By: News
News

Nasugatan sa paputok, umabot na sa 730; nabiktima ng stray bullets, 12


Umabot na sa 730 kaso ang revelry-related injuries hanggang 6 a.m. nitong Enero 3, ayon sa Department of Health (DOH).  Kaugnay nito, 12 kaso naman ang naitala dahil sa ligaw na bala.

Ayon sa DOH-National Epidemiology Center's Fireworks Injury Registry, apat sa nabanggit na mga biktima ay nakalulon ng paputok.
 
Paliwanag ng DOH-NEC, ang “firework-related injuries” ay nasa kategorya na, direct firework injuries, firework ingestion, at stray bullet injuries.

Sa kabila ng nabanggit na bilang, nananatiling mas mababa ito ng 26 porsiyento kumpara sa nakalipas na limang taon (2009-2013), at 27 porsiyentong mas mababa kumpara sa pagsalubong sa 2014.
 
Sa 714 direct fireworks incidents, 573 kaso (80%) ay lalaking biktima na ang edad ay magmula anim na buwan hanggang 84 na taon.

Nasa 25 porsiyento naman o 182 kaso ay kinabibilangan ng mga bata na edad 10 pababa.

Karamihan din sa mga biktima, ayon sa DOH ay galing sa Metro Manila area (55 porsiyento) kung saan ang Maynila ang pinakamaraming biktima na umabot sa 152 kaso.

Idinagdag sa tala ng DOH na 572 kaso (80%) na nasugatan ng paputok ay hindi naputulan ng kamay. Nasa 34 kaso o limang porsiyento ang nagtamo ng pinsala na kinailangan putulan, habang 125 kaso (18%) ang nagkaroon ng pinsala sa mata.

Ang tala ng DOH ay kapapalooban ng listahan ng mga biktima mula Disyembre 21, 2014 na magtatapos sa Enero 5, 2015. -- FRJ, GMA News
LOADING CONTENT