Filtered By: Topstories
News

Pag-atake ng preso sa isang bata sa NBP, isinisi sa kakulangan ng bantay


Isinisi ng opisyal ng New Bilibid Prison sa kakulangan ng bantay kaya nalusot ang pag-atake ng isang bilanggo sa isang walong-taong-gulang na batang babae sa loob ng maximum security compound sa Muntinglupa City.  Natagpuan ang biktima sa loob ng banyo na may tali sa leeg at walang malay.

Sa isang ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabi umano ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, na ang dapat binabantayan ng isang jail guard sa piitan ay 500 bilanggo.

Pero nang araw na maganap ang insidente, sinabi nito na ang bawat jail guard ay kailangang sumubaybay sa mahigit 1,000 inmates at miyembro ng mga pamilya nito na nagtungo sa kulungan dahil sa New Year party ng grupong Bahala Na Gang.

Tuwing may espesyal na okasyon, pinapayagan din umano ang dalaw sa maximum security compound hanggang sa dormitoryo ng high-risk inmates.

Ang mga anak ng bilanggo na edad isa hanggang 10 taong gulang ay pinapayagan ding isama sa pagbisita sa selda basta nababantayan sila ng kanilang mga magulang.

Matagal na raw umiiral ang naturang patakaran pero dahil sa nangyaring insidente, pinag-aaralan na ng NBP na magkaroon ng pagbabago.

Sinabi pa ni Schwarzkopf sa ulat na kailangan din madagdagan ang mga batay sa Bilibid.

Ayon sa ulat, inilagay sa isolation room sa loob ng Maximum Security Compound ng NBP ang suspek, na ka-grupo o kakosa ng ama ng batang biktima.

Idinagdag sa ulat na nakatakdang sampahan ng kaso sa Lunes ang bilanggo.

Nakita ang bata sa loob ng banyo na may tali sa leeg at walang malay.

Lumitaw naman sa pagsusuring medikal sa bata na hindi siya naabuso. -- FRJ, GMA News