Filtered By: Topstories
News

Milyong deboto, dumagsa sa prusisyon ng Itim na Nazareno; 1, nasawi matapos atakihin sa puso


Tinatayang mahigit isang milyong deboto ang lumahok sa taunang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Maynila nitong Biyernes. Samantala, isang lalaki naman ang nasawi makaraang atakihin sa puso habang tinutupad ang kaniyang debosyon sa sinasabing milagrosong imahen.

Nagsimulang umusad ang translacion o ang paglilipat ng imahen mula sa Luneta patungong Quiapo church nitong Biyernes ng umaga. Naantala ang pag-usad ng prusisyon nang masira umano ang pingga sa karosa ng Itim na Nazareno na pinaglalagyan ng lubid na hinihila ng mga deboto.
 
Sa inisyal na ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, mayroong 84 deboto ang ginamot sa Quirino Grandstand mula sa iba't ibang kondisyon sa kalusugan tulad ng hypertension at sugat.
 
Nasawi naman ang deboto na si Renato Gurion, 44, makaraang atakihin sa puso habang nakikiisa sa prusisyon. 
 
“Ang cause of death niya ay heart attack, mamamasan from Dimasalang (sa Manila). Hindi siya naipit based sa initial report sa amin, tinamaan siya ng heart attack,” pahayag ni Johnny Yu, pinuno ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council.
 


Kabilang si Gurion sa mga Hijos del Nazareno na nasa karosa ng imahen.

Pulis, muntik madukutan
 
Hindi naman nawala ang mga taong nagsasamantala sa dami ng taong dumadalo sa translacion.
 
Ngunit laking pagkakamali ng isa umanong mandurukot nang tangkain nitong biktimahin ang isang pulis na si Senior Inspector John Glenn Siguan sa bahagi ng Quirino Grandstand.
 
Ayon kay Siguan, tumutulong siya sa crowd control nang maramdaman niya na may humawak sa bulsa niya sa likuran.
 
"Habang nagtutulak kami para makaandar ang (karwahe) sobrang sikip sa dami ng tao... may naramdaman ako. Hinawakan ko ang kamay at sinunggaban ko," kuwento niya sa dzBB.
 
"Hindi ko binitawan ang kamay niya, (dumudukot) sa bulsa ng pantalon ko," dagdag ng pulis.
 
Gayunman, itinanggi ng suspek ang alegasyon, at nagpakilalang isa siyang deboto at 17-anyos lang.
 
Natupad ang hiling
 
Samantala, itinuturing naman ng isang ginang na pinagbigyan ng Nazareno ang kaniyang birthday wish nang magkita sila ng kaniyang nawawalang anak sa mismong traslacion.

Ayon kay Erlinda Dizon, 67-anyos, residente ng barangay Manggahan sa Pasig City, na limang buwan nang nawawala ang kaniyang 39-anyos na anak na si Alexander.

Nakita raw ni Gng. Dizon ang anak kasama ng mga tao sa panulukan ng Roxas Boulevard at Burgos Street.

Napag-alaman na hindi nakapagsasalita at may problema sa memorya si Alexander na naging palaboy mula nang mawalay sa ina. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT