advertisement
Filtered By: News
News

Ano ang mga dapat at di' dapat gawin kapag dumalo sa mga aktibidad ni Pope Francis?


Magtutungo ka ba sa mga lugar na pupuntahan ni Pope Francis habang nasa Pilipinas? Alamin ang mga bagay na dapat at hindi mo dapat gawin, at ang iba pang paalala mula sa pamahalaan.
 
Kabilang sa mga payo ng Department of Health sa mga magpupunta sa public events ng Santo Papa ay huwag magdala ng mga alahas at mamahaling gamit tulad ng mga gadget.

Huwag na huwag ding magkakalat sa mga pampublikong lugar na gagamitin sa mga aktibidad ng Santo Papa na darating sa bansa sa Enero 15 hanggang 19.

Narito pa ang ibang "dos and don'ts":

Dos
- Magdala ng pagkain na hindi madaling masira para hindi magutom
- Kumportableng kasuotan ang gamitin
- Kung may karamdaman o may kapansanan, dapat may kasama
- Magdala ng gamot kung mayroong high blood pressure o diabetic
- Alamin kaagad sa lugar ang mga station
- Magdala ng ID o piraso ng papel na nakasaad ang ilang mahalagang impormasyon tulad ng pangalan at phone number

Don'ts
- Huwag magkalat. Kung may matitira sa binaong pagkain, ilagay o itapon sa tamang lugar
- Huwag iihi sa kung saan-saan. Gumamit ng mga portalet
- Kung buntis at nakakaramdam ng premature contractions, huwag nang pumunta sa pagtitipon. Magiging peligroso ang sanggol sa impeksiyon kapag isinilang ito sa hindi tamang lugar
- Huwag magdala ng backpack o bag
- Huwag magdala ng payong. Kung kailangang magdala ng panlaban sa ulan, magdala ng kapote.

Kapag nagsama ng bata
- Kung magdadala ng bata, tiyakin na lagi silang may kasamang nakatatanda
- Lagyan din ang bata ng piraso ng papel na nakasulat ang impormasyon tungkol sa magulang at kung papaano sila matatawagan sakaling mawalay ang bata

Mga dapat dalhin
- Candy o chocolate na panlaban sa gutom o pagkahilo
- Sisidlan ng tubig inumin na 'di madaling mabasag
- Pamaypay
- Bimpo
- Hand sanitizer
- Wet wipes
- Kapote
 
Kapag nagkaroon ng emergency, magtungo agad sa pinakamalapit na medical station tent o ambulansiya upang mabigyan ng pang-unang lunas.
 
Nauna nang ipinayo ng Malacanang na kung hindi maiiwasan na magdala ng bag, dapat transparent ito na madaling makikita ang nasa loob.
 
Maging Alerto
 
Samantala, nanawagan naman ang Philippine National Police sa publiko na maging alerto laban sa sinumang may masamang binabalak kaugnay ng pagbisita sa bansa ng Santo Papa.
 
Sa isang tweet, inihayag ng PNP Police Community Relations Group na hangad ng kapulisan ang "zero untoward incident" sa mga lugar o aktibidad na gagawin ng Santo Papa.

"Be alert at all times on possible attacks of lawless elements which may disrupt the peaceful celebration of the event," pahayag sa naturang post ng pulisya.
 
Maaari umanong makipag-ugnayan sa PNP ang "netizens" sa:

- Twitter: @PNP_PCRG and @PNPHotline
- Facebook: @PNPPCRG and @TagapagUgnay

—FRJ, GMA News
LOADING CONTENT