Filtered By: News
News

'Last man standing' sa 'Fallen 44,' nakita ang bangkay na may hawak na granada


"Maliit lang pero matapang, parang tiger." Ganito inilarawan ng isang heneral si Senior Inspector Max Jim Tria, ang miyembro ng "Fallen 44" na huling naitumba ng mga kalabang armado sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Linggo.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ni Tria na may hawak na dalawang granada na patunay umano na mas nanaisin nito na mamatay kaysa mahuli ng mga kalaban.

Sa mga larawan na nakuha ng GMA News sa isang source na nakapasok sa lugar ng engkwentro sa Mamasapano, makikita ang nagkalat na katawan ng mga nasawing kasapi ng Special Action Force (SAF) sa isang maisan.

Kabilang sa mga bangkay na nakunan ng larawan ay si Tria.



Batay na rin mga impormasyong galing daw mismo sa Moro Islamic Liberation Front, si Tria ang huling napatay na SAF member na bahagi ng blocking force.

Bukod sa mga kasapi ng MILF, nakasagupa rin ng tropa ng SAF ang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na break-away group mula sa MILF na may kuta sa lugar na pinasok ng elite force para dakpin ang teroristang Jemaah Islamiyah bomb-maker na si Zulkifli bin Hir alias Marwan.

“Sa karakter ni Tria, talagang he will fight it out, na he will rather die than surrender,” ayon kay Brig. Gen. Carlito Galvez, pinuno ng government coordinating committee on the cessation of hostilities.

Nakilala at nakasama umano ni Galves si Tria nang maging Army brigade commander siya sa Basilan.

“Kung makikita mo, siya talaga yung last man standing,” ani Galvez. "I really admire the guy. Maliit lang lang siya pero parang tiger siya, talagang matapang talaga yung batang 'yon.”

Bata pa lang umano ay pangarap na ni Tria na maging pulis, pangarap na kaniyang natupad.

Si Tria, tubong-Virac, Catanduanes, ang topnotcher sa sniper school, at nakasabak sa Scout Ranger at commando training. Bahagi siya ng Philippine National Police Academy Class 2009. -- FRJ, GMA News