Filtered By: Topstories
News

Babaeng tumangay ng sanggol sa Taguig hospital, wala raw balak na ibenta ang bata


Matapos mahuli nitong Biyernes ng gabi, nagpaliwanag ang babaeng tumangay sa bagong silang na sanggol sa isang ospital sa Taguig City kung bakit niya kinuha ang bata.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing nakapiling na ng mag-asawang Cherry at Johnerel Pañero ang kanilang baby na si Francis John, na isang linggong nawalay sa kanila.

Tinangay si baby Francis John ni Roseman Mañalac sa Taguig-Pateros District Hospital noong Pebrero 13, matapos magpanggap na social worker.

Kuwento ni Cherry, kinuha sa kaniya ni Mañalac ang kaniyang anak dahil ipapa-newborn screening daw ito pero hindi na ibinalik.



Nakunan din sa closed-circuit-television camera sa loob ng ospital si Mañalac na may takip na sa mukha habang bitbit ang sanggol.

Ilang araw makalipas na maipalabas ang balita sa 24 Oras tungkol sa pagkawala ng sanggol, nakatanggap ng tawag ang Taguig City Police, at itinuro kung saan nakatira ang suspek.

At nitong Biyernes ng gabi, nadakip si Mañalac, 24-anyos, at nabawi na ang bata.

Ayon sa suspek, nagawa lang daw niyang kunin ang bata dahil sa kagustuhan na magkaroon ng sariling anak dahil dalawang beses na raw siyang nakunan.

Balak din naman daw niyang ibalik si baby Francis John dahil nakokosensiya siya.

Ngunit hindi naniniwala si Taguig City Mayor Lani Cayetano at ang mga awtoridad sa paliwanag ni Mañalac.

"Yung kilos niya in fact talagang pinapangatawanan niya, tine-threaten pa niya yung authorities na babalikan kayo dahil talagang akin 'yan," ayon sa alkalde.

Pahayag naman ni P/Supt. Celso Rodriguez, OIC-Taguig Police, "Meron kasing isang caller natin na hindi naman nagpakilala na sinasabi na ibebenta nga raw ng 50,000 at naghahanap nga ito ng bata."

Nahaharap ang suspek sa kasong kidnapping.

Patuloy naman sinisisayat ng pamunuan ng ospital kung papaano nagawa ng suspek ang krimen at nangako silang hihigpitan pa ang kanilang seguridad. -- FRJ, GMA News