Filtered By: News
News

Bakbakan ng AFP at BIFF, tumindi; 14 na kasapi ng BIFF, napatay


Nasukol na umano ng tropa ng Armed Forces of the Philippines ang mga tumatakas na miyembro Bangsamoro Islamic Freedom Fighter kaya wala na raw magagawa ang mga ito kung hindi sumuko o makipagsabayan para malusutan ang tropa ng pamahalaan .

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, inihayag ng kampo ng AFP na hindi umano bababa sa 14 na miyembro ng BIFF ang napatay sa all out offensive na isinasagawa ng militar sa Maguindanao para tugisin ang teroristang si Basit Usman, na sinasabing kinakanlong ng BIFF.

Sa hiwalay na ulat, mayroong apat na kasapi ng BIFF ang nadakip.

Kaugnay nito, binisita naman ni Major General Edmundo Pangilinan, komandante ng 6th Infantry Division, ang mga sundalong sugatan sa opensiba, kabilang ang tatlong kailangang operahan.

Ayon pa sa ulat, malaki ang pinag-iba sa pinakahuling isinagawang airstrike ng militar laban sa BIFF kung ikukumpara sa nakaraang dalawang airstrikes.

Kung sa mga naunang airstrike noong isang linggo ay kaagad umanong napatigil ang putukan dahil nagpulasan ang mga miyembro ng BIFF, nitong Biyernes ay tumindi ang palitan ng putok sa magkabilang panig makaraang magsagawa muli ng airstike ang mga sundalo.

Dahil nasukol o nakorner na raw ang mga kasapi ng BIFF, wala na umanong nagawa ang armadong grupo kung hindi makipaglaban sa mga sundalo upang makahanap ng daan para lusutan ang puwersa ng militar.

Maging ang command post kung saan nakapuwesto ang GMA News team nitong Biyernes ay pinuntirya na umano ng BIFF kaya naging mahigpit ang Army sa pagpapapasok sa area ng engkuwentro.



Sa pinakahuling impormasyon na nakuha ng GMA News sa 6th Infantry Division ng Philippine Army, 13 sundalo ang nasugatan sa opensiba, tatlo sa kanila ang kailangang operahan dahil sa tinamong mga tama ng bala at shrapnel.

Pawang minor injuries naman ang tinamo ng iba pang nasugatang sundalo na binisita na umano ni General Pangilinan nitong Sabado ng madaling araw.

Sinusubukan din ng GMA News na makakuha ng pinakahuling impormasyon tungkol sa kalagayan ng tinutugis sa teroristang si Basit Usman.

80,000 silbiyan ang lumikas

Samantala, tinatayang nasa 80,000 katao na umano ang mga lumikas sa Maguindanao at Cotabato bunga ng isinasagawang operasyon ng militar laban sa BIFF.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinabing kasama sa bilang ng mga lumikas ang mga naapektuhan ng "rido" o clan war sa bayan ng Pagalungan noong Pebrero 9.
 
Ang mga naapektuhang sibilyan ay binubuo ng 16,111 pamilya o 80,555 katao mula sa 59 barangay mula sa lalawigan ng Cotabato at Maguindanao.
 
Idinagdag pa sa ulat ng NDRRMC na sa nabanggit na bilang, 13,261 pamilya o 66,305 katao rito ay pansamantalang tumutuloy sa 49 evacuation centers.
 
Apektado rin ng operasyon ng militar ang klase sa 42 public elementary at high schools, na kumakatawan sa 18,819 mag-aaral at 283 guro. -- FRJ, GMA News
Tags: biff, alloutwar
LOADING CONTENT