Filtered By: Topstories
News

Kaninong Mamasapano report ang dapat paniwalaan?


Sa mga susunod na araw, posibleng ilabas na ang resulta ng imbestigasyon sa nangyaring madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao na isinagawa ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan, at maging ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa panayam ng GMA News Online nitong Sabado, kinumpirma ni Director Benjamin Magalong, chairman ng Philippine National Police' Board of Inquiry (BOI), na natapos na nila ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring engkuwentro sa Mamasapano noong Enero 25 kung saan 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ang nasawi.

Nasawi rin sa naturang engkuwentro ang 18 miyembro ng MILF at limang sibilyan.

Isusumite umano ng BOI ang kanilang ulat kay PNP Officer-in-Charge Deputy Director General Leonardo Espina sa Lunes, at saka naman ipadadala kay Interior Secretary Mar Roxas.

Pagtiyak ni Magalong, masasagot sa kanilang ulat ang maraming katanungan tungkol sa nangyaring engkuwentro na nakaapekto rin sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at MILF.

Una rito, nagbigay ng paalala si Roxas kay Magalong na dapat masagot sa isasagawang imbestigasyon ng BOI ang mga katanungan ng SAF troopers.

"Una, matino ba ang plano, ginawa ba at nagawa ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng mga tropa," anang kalihim. "Mayroon ba at kung mayroon man, ano ang role ng mga Amerikano?"

Dapat makita rin umano sa BOI report ang kasagutan kung nagkaroon ng operational lapses kung hindi masunod ang direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa pakikipagkoordinasyon sa militar ng mga opisyal ng PNP na namahala sa misyon.

"Sinunod ba o sinaway ang mga utos ng pangulo kina (dating SAF commander Director Getulio) Napeñas?" dagdag ni Roxas. "Sa equipment, sa mga radyo, mga bala, helmet o vest 'di gumana ng maayos, ano ba gumana rito?"

Maliban sa BOI, may imbestigasyon din ginawa ang Senado, Commission on Human Rights (CHR), at National Bureau of Investigation ng Department of Justice.

Papel ni PNoy at iba pang opisyal

Ayon naman kay Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nagsagawa ng imbestigasyon sa Mamasapano clash, na sasaklawin ng resulta ng kanilang imbestigasyon ang partisipasyon ng mga opisyal ng gobyerno, pati na si Pangulong Aquino.

"Basta ganito lang po, lahat ng may kinalaman na nabanggit na liderato ay siyempre kailangang meron kaming tugon ukol sa kanilang partisipasyon at kung ano ang mga naging kakulangan dito," paliwanag ng senador sa panayam.
 
"Hanggang sa lahat ng level po na may kinalaman dito sa operasyon na ito ay malalagay sa aming committee report, kung ano ang naging pagkukulang o kung ano ang tamang nagawa," dagdag ni Poe.
 
Nang tanungin kung posible bang kasama rito ang Office of the President, tugon ng senadora, "Siyempre kasama na doon."

Inaasahang matatapos umano ang kanilang committee report sa kalagitnaan ng Marso.
 
Lalamanin din umano ng kanilang ulat ang mga rekomendasyon para hindi na maulit ang mapait na pangyayari.
 
“Ang pakay natin, unang-una ay maipresenta ang katotohanan. Ang sa amin ay recommendatory, kung ano ba ang sa tingin namin na pagkakamali dito na dapat ay gawan natin ng solusyon para huwag na maulit muli,” ani Poe.

Gayunman, sinabi ng mambabatas na magsasagawa sila cross checking sa magiging ulat ng BOI tungkol sa ilang detalye sa mga pangyayari.

“Ngayon ang BOI ay magsusumite sa Lunes o mamaya. Sa amin, matatapos namin, siyempre irereview din namin ang BOI report, bagama’t meron kami ng sarili namin na kongklusyon, mas mabuti na rin na pagdating sa mga ebidensya, facts and figures ay meron kaming cross checking,” ayon kay Poe.

Pagtiyak din ni Poe, katotohanan ang lalamanin ng kanilang ulat.

“Kami naman, may kanya-kanyang pananagutan at reputasyon sa ating mga kababayan. Kaya, kung ito ay hindi magagawa ng tama, pangalan rin naman namin ang nakasalalay dito,” aniya.
 
“So para sa akin, report ko ito, report ng committee ko ito. Kaya, sa tingin ko naman, hindi ako papayag na malabnaw ito sapagkat magiging pananagutan ko ito sa publiko,” dagdag ng senadora.

Tapos na rin ang MILF report

Sa hiwalay na ulat, inihayag din ni MILF vice chairman Ghadzali Jaafar, na natapos na ng kanilang MILF Central Committee's Special Investigating Team ang imbestigasyon sa Mamasapano clash at inihahanda na nito ang kanilang executive summary.

Subalit tumanggi muna si Jaafar na sabihin ang laman ng naturang ulat na ipadadala raw nila sa Malaysia, ang bansa nagsisilbing tagapamagitan sa isinusulong na peace process ng pamahalaan ng Pilipinas at MILF.

“Let us just wait for the executive summary report to be finished by the team. Nakakahiya naman na hindi pa nga sila tapos ay ilalabas na natin sa media lahat,” paliwanag niya.

Pero bahagi umano ng resulta ng imbestigasyon ng MILF na hindi nila tauhan ang nakita sa viral video na bumaril at tuluyang pumatay sa isang sugatan at wala nang labang SAF.

“No MILF members [were] involved in all the videos that were leaked [on the internet],” ayon kay Jaafar.

Nauna nang iginiit ng liderato ng MILF na dapat magkaroon ng ikatlong panig (na hindi galing sa MILF at hindi galing sa gobyerno) na magsasagawa ng imbestigasyon sa engkuwentro para maiwasan umano ang pagdududa na may pinapanigan. -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan