Filtered By: Topstories
News

Binibining Pilipinas winners na tinanggalan ng korona


Alam ba ninyo na mayroong mga nagwagi sa Binibining Pilipinas pageant na kalaunan ay tinanggalan ng korona dahil sa problema sa kanilang nasyunalidad?

Taong 1998 nang tanghaling Binibining Pilipinas-Universe si Olivia Tisha deCarlos Silang. Pero hindi ito nagtagal at inalis sa kaniya Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) ang korona matapos na matuklasan na mayroon siyang Canadian passport.

Ang korona ni Silang ay ipinasa kay Jewel May Lobaton, na naging asawa ni Sen. Aquilino "Koko" Pimentel III.

Ngunit noong 2012, ibinalita ang paghihiwalay nina Pimentel at Lobaton, matapos ang 12 taon ng kanilang pagsasama. Mayroon silang dalawang anak.

Bukod kay Silang, inalisan din ng korona si Binibining Pilipinas-Universe 1991 Anjanette Abayari matapos matuklasan ang kaniyang American citizenship.

Ang korona niya ay ipinasa naman kay Alou Gonzalez.

Ang pagiging American citizen ang naging dahilan para alisin kay Binibining Pilipinas-Universe 1999 Janelle Bautista ang korona at ipasa kay Miriam Quiambao, na naging first runner-up sa Miss Universe 1999 pageant.

Tinanggalan din ng korona si Binibining Pilipinas-Universe 2010 Maria Venus Raj dahil sa "inconsistencies" sa kaniyang birth certificate.

Pero ipinaglaban ni Raj ang kaniyang korona at nabawi nang magawa nitong makakuha ng Philippine passport na magpapatunay na isa siyang Filipino. -- FRJ, GMA News