Filtered By: Topstories
News

Valedictorian na nakatira sa ilalim ng tulay, pag-ahon sa kahirapan ang inspirasyon sa pag-aaral


Kahirapan ang itinuturong isa sa mga dahilan kaya maraming bata ang hindi nakapag-aaral. Kaya naman kahanga-hanga ang isang batang babae na nakatira sa ilalim ng tulay sa Paco, Maynila dahil ang makaahon sa kahirapan ang ginamit niyang inspirasyon para magpursige sa pag-aaral, at makapagtapos na valedictorian sa kaniyang paaralan ngayong taon.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing number one sa kaniyang klase mula Grade 2 hanggang Grade 6 ang valedictorian na si Cienna Igano.

Dahil sa kahirapan, sa ilalim ng tulay nakatira ang kaniyang pamilya, at hirap siyang makagawa ng mga school project.

"'Pag pumapasok po ako, wala po akong baon. Tapos po kapag may mga project po, 'di ko po lahat nasa-submit. Kaya po minsan sa project ako bumababa," paliwanag ni Cienna.



Sakabila ng lahat, nagpursige si Cienna na makapag-aral at makapagtapos ng elementarya.

"Magaling 'yan talaga. Pagdating sa school, kahit walang baon, pumapasok talaga 'yan. Umiiyak pa 'yan 'pag 'di pumapasok," ayon sa kaniyang ina na si Lotlot.

Sa murang edad, batid na ni Cienna ang kahalagahan ng edukasyon para maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.

"Lakas lang po ng loob saka po pagtitiyagang mag-aral lang po nang mag-aral. Kapag wala kang pinag-aralan, mahirap makakuha ng trabaho," paliwanag niya.

Ayon pa kay Cienna, ang hangarin na maiahon sa kahirapan ang pamilya ang inspirasyon niya sa pag-aaral.

"Gusto ko po kasi maiangat po sa buhay ang magulang ko. Kasi simula nung bata pa po sila, mahirap na po sila," sambit niya.

Ayon sa ulat, lumitaw sa datos ng Department of Education na mahigit 27 porsiyento o tatlo sa bawat 10 mag-aaral sa grade 1 ang hindi na nakakatapos ng elementarya.

Ang nasabing bilang ay halos hindi rin nalalayo sa high school kung saan mahigit 25 percent ng mga nag-enroll sa first year ang hindi nakakatapos hanggang 4th year sa school year 2012-2013.

Ayon naman sa Commission on Higher Education, nasa 2.12 porsiyento ng Grade 6 at 4.31 porsiyento ng Fourth Year high school students ang nag-dropped out sa nabanggit na school year.

Lumitaw naman sa ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization, na pang-lima ang Pilipinas sa 2013 survey ng mga bansa na may pinakamaraming out-of-school youths sa mundo, na tinatayang nasa 1.5 milyong kabataang Pinoy. —FRJ, GMA News