advertisement
Filtered By: News
News

Trillanes sa panawagang mag-sorry si PNoy: 'Kalokohan po 'yan'


"It’s a trap." Ito ang tingin ni Sen. Antonio Trillanes IV sa mga panawagan kay Pangulong Benigno Aquino III na mag-sorry dahil sa trahediyang nangyari sa Mamasapano operation noong Enero 25.

Ipinaalala ng senador ang nangyari kay dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na nag-sorry noong 2005 dahil sa ginawa niyang pagtawag sa isang election official noong panahong 2004 presidential elections.

Ayon kay Trillanes, hindi rin naman pinaniwalaan ng publiko ang pag-sorry ni Arroyo.

“Yung pagso-sorry e kalokohan po 'yan. Ganyan din ang in-advise nila kay GMA noon na mag-sorry. Naniwala ba tayo? Napakalma ba tayo? Hindi, ‘di ba?," paliwanag ng mambabatas sa isang news forum sa Senado.



Isang taon matapos ang pag-sorry ni Arroyo, inamin ng noo'y Presidential Chief of Staff ni Arroyo na si Michael Defensor, na isang pagkakamali ang ginawang pag-sorry ni Arroyo dahil wala naman daw talagang dapat na ihingi ng tawad ang pangulo.

Basahin: Defensor: Arroyo 'I am sorry' speech on poll fraud a mistake

"In fact, lalong gagamitin 'yon. O, kita mo umamin na, tanggalin na’. It’s a trap,” dagdag niya.
Patuloy pa ni Trillanes, "Besides ang pagso-sorry kusa yan, kusang binibigay. Pag ayaw ibigay yung pagso-sorry hindi mo mapipilt, walang value.”

Isinisisi ng ilang grupo kay Aquino ang nangyaring operasyon ng Special Action Force ng Philippine National Police sa Mamasapano, Maguindanao para dakpin ang terorista umanong sina Zulkifli bin Hir alias Marwan at Basit Usman.

Humantong ang misyon sa pakikipaglaban ng SAF sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Liberation Front. Nagresulta ito sa pagkakasama ng may 60 katao, kabilang ang 44 na kasapi ng SAF.

Payo ni Trillanes, dapat planuhing mabuti ng Malacañang kapag nagbigay muli ng talumpati si Aquino tungkol sa Mamasapano.

Sa resulta ng Senate joint committee tungkol sa nangyari sa Mamasapano, sinabing "ultimately responsible" si Aquino sa kinalabasan ng misyon.  Pinuna rin sa ulat ang pakikipag-unayan ng pangulo sa suspindido noong PNP chief na si Gen. Alan Purisima.

“Kung ie-explain man nila kailangan pag-isipan nila kasi lalong lumalaki yung damage at lalong lumalaki yung hukay kada speech nila. Ayusin muna nila kung ano yung hinahanap na impormasyon tapos find a way to deliver it well,” mungkahi ni Trillanes.
 
"[Palpak] ang handling right from the very start. Yung mga nationwide address ng Presidente nakapagbigay pa ng confusion and in fact, nakadagdag sa galit ng mga kababayan. Pangalawa dun sa hindi pag-attend sa (arrival honors sa) Villamor, napakasimple 'yon hindi man lang nagawa, 'yon nakadagdag sa galit ng mga kababayan natin,” dagdag ni Trillanes. —FRJ, GMA News
LOADING CONTENT