Filtered By: Topstories
News

House arrest, posibleng hilingin daw ng kampo ni Gloria Arroyo dahil sa kalusugan nito 


Inihayag ng kampo ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na posibleng hilingin nila sa Sandiganbayan na isailalim sa house arrest ang dating lider dahil sa kondisyon ng kalusugan nito.

Sa ulat ng GMA News TV's "News TV Live," sinabi umano ni Atty. Larry Gadon, abogado ni Arroyo, na hindi bumubuti ang kalagayan ng dating pangulo na nananatiling naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.

Patuloy daw na bumababa ang timbang ni Arroyo dahil hirap pa rin itong kumain. Posible umanong makatulong para bumuti ang kalusugan ng dating pangulo kung papayagan itong manatili na lamang sa kaniyang bahay sa La Vista.

May problema sa kaniyang gulugod si Arroyo at naka-hospital arrest mula pa noong 2012 dahil sa kinaharap na kasong pandarambong na nakabinbin sa Sandiganbayan.

Inaakusahan si Arroyo ng katiwalian sa paggamit umano ng intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office na nagkakahalaga ng P366 milyon mula 2008 hanggang 2010.

Kamakailan lang, naghain ng kaso laban sa pamahalaan ng Pilipinas ang international human rights lawyer na si Amal Alamuddin Clooney, misis ng Hollywood actor na si George Clooney, sa United Nations Commission on Human Rights dahil sa patuloy na pagdetine kay Arroyo.

Ang patuloy na pagkulong umano kay Arroyo ay maituturing paglabag sa karapatang pantao ng dating pangulo dahil na rin sa kalagayan ng kalusugan nito.

Idinagdag pa nito na maaaring biktima ng political persecution si Arroyo dahil pinayagan ng korte ang ibang kapwa akusado ng dating pangulo na makapagpiyansa.—FRJ, GMA News