Filtered By: Topstories
News

LGUs sa ilang bahagi ng Visayas at Southern Luzon, pinaghahanda sa bagyo


Pinaghahanda ni Interior and Local Government (DILG) secretary Mar Roxas ang mga lokal na opisyal sa silangang bahagi ng Visayas at katimugang bahagi ng Luzon na maging handa sa posibleng maging epekto ng paparating na bagyong si "Maysak" (international name).
 
Sa isang pahayag nitong Martes, nanawagan si Roxas sa mga lokal na lider na "to stand guard" at maging handa sa bagyo na tatawaging "Chedeng" na inaasahang papasok sa bansa ngayong linggo ng Semana Santa.
 
"Malayo pa lang ang bagyo, ready at listo na dapat tayo sa posibleng hagupit nito," paalala ng kalihim sa mga gobernador at alkalde ng mga lalawigan at bayan na posibleng tamaan ng bagyo.
 
Ayon kay Roxas, tumatayo ring vice chairperson ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), ang mga alkalde ang magiging first responders sa panahon ng kalamidad.
 
"They should man the command centers in their respective localities," paalala pa ng kalihim.
 
Hanggang nitong 11 a.m., inihayag ng state weather agency PAGASA na lumakas si "Maysak" habang papalapit sa Pilipinas. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 175 kph at pagbugso ng hanggang 210 kph.
 
Kumikilos ito patungong west-northwest sa bilis na 20 kph.
 
"This typhoon is still too far to affect any part of the country. It is expected to enter the Philippine Area of Responsibility (Wednesday) evening or Thursday early morning and will be named Chedeng," ayon sa PAGASA.
 
Gayunman, hindi pa inaasahang makakaapekto kaagad sa bansa ang bagyo hanggang sa darating na weekend. — FRJ, GMA News