advertisement
Filtered By: News
News

Usaping legal, sinisilip ng NCCA habang pinag-aaralan ang hakbang tungkol kay ‘Josie Rizal’


Inihayag ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na pinag-aaralan nila ang hakbang na gagawin tungkol sa paggamit ng pangalan at imahe ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Tekken 7 character na "Josie Rizal".

TALAKAYAN: Fame o shame: Anong tingin mo sa Tekken fighter na si Josie Rizal?

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni NCCA Chairman Felipe de Leon Jr., na makikipagtulungan ang kanilang ahensiya sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para talakayin ang naturang usapin.
 
Nilinaw din ni De Leon sa pahayag na makikita sa Facebook na ang ibinigay na pananaw ni Dr. Leodenito Cañete tungkol sa usapin kay "Josie Rizal," ay hindi kumakatawan sa posisyon ng NCCA.

Sinabi pa ni De Leon na hindi opisyal o miyembro ng NCCA national committee si Cañete.

Sa halip, kabahagi umano si Cañete sa Bayaning Bayan project, isang painting competition sa ilalim ng Philippine Cultural Education Program ng NCCA.

Bago nito, nilinaw ng NCCA Secretariat sa GMA News Online na hindi opisyal ng NCCA si Cañete gaya ng naunang naiulat.
 
Si "Josie Rizal" ang kauna-unahang Filipina character sa "Tekken" series, na bihasa sa Filipino martial art eskrima at kickboxing, ayon kay Katsuhiro Harada ng Bandai Namco Games. 

Pinuna ni Cañete ang naturang karakter ni “Josie Rizal” dahil sa maigsi nitong kasuotan at pagkulay ng damit na hango sa kulay ng bandila ng Pilipinas.

Sinabi niya na plano niyang gumawa ng hakbang para maituwid ang maling impresyon na maaring idulot ng "Josie Rizal" sa imahe ni Dr. Rizal at sa Pilipinas. — FRJ, GMA News
LOADING CONTENT