Filtered By: Topstories
News

Grupo ng mga magulang, magpapasaklolo sa SC para pigilin ang K to 12 program


Isang grupo ng mga magulang mula sa pribado at pampublikong paaralan ang maghahain umano ng petisyon sa Korte Suprema para pigilin ang pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013, na nagbigay-daan sa programang K-12 program na magdaragdag ng dalawang taon sa high school education.
 
Sa panayam sa telepono nh GMA News Online nitong Sabado, sinabi ni Rey Vargas, founding chairman ng Parents for Children’s Education (PACE), na kukuwestiyunin nila sa SC ang legalidad ng Republic Act 10533. Hindi umano dumaan sa tamang proseso ang nabanggit na batas nang pirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III.
 
Hindi rin umano nakonsulta ang lahat ng mga magulang tungkol sa implementasyon ng naturang batas.
 
Nangangamba ang grupo na dadami ang mga mag-aaral na matitigil sa pag-aaral dahil sa dagdag na gastusin bunga ng dagdag na taon sa pag-aaral.
 
"Baka lalo pang dumami ang dropouts dahil sa dagdag gastos sa tuition," ani Vargas, sabay sabing wala rin namang katiyakan sa lalong huhusay ang mga mag-aaral sa dagdag na dalawang taon na pananatili sa paaralan.
 
"Unang-una, alam naman nating ang mga Pilipino, magagaling kahit 10 taon lang [ang education system] sa bansa, kung ikukumpara sa ibang bansa na 12 years," aniya. "Walang guarantee na kung magkaroon ng dagdag 2 years, gagaling na."
 
Sa website ng Department of Education, sinabing ang "12-year program is found to be the adequate period for learning under basic education," at ito rin umano ang ginagamit na batayan ngayon ng mga mag-aaral at propesyunal sa ibang bansa.
 
Pero paniwala ni Vargas, hindi K-12 program ang solusyon para magkaroon ng de-kalidad na edukasyon sa Pilipinas.
 
"Kung quality of education ang habol, hindi guarantee ang dagdag dalawang taon," giit niya. "Sana i-improve na lang ang facilities, teacher trainings, maraming puwede gawin, puwede rin namang dagdagan ang subjects o dagdagan ang school hours."
 
Mapagkakaitan din umano ng pamahalaan ang mga estudyante ng karapatan na makahanap kaagad ng trabaho kapag nagtagal ang mga ito ng dalawa pang taon sa paaralan.

"Sa halip na nagtatrabaho na, nag-aaral lang sila," ani Vargas. "Superficial lang 'yang extra two years."

Nitong nakaraang Oktube, inihayag ni Chito Salazar, secretary general, ng National Industry-Academe Council (NIAC), na maaari namang makahanap na ng trabaho ang mga magtatapos ng high school sa ilalim ng 12-year curriculum program.
 
Sinabi pa ni Salazar, na tiniyak ng mga samahan sa negosyante sa bansa, kabilang na ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, na tatanggapin nila sa trabaho ang mga mag-aaral na magtatapos ng high school kapag napatunayan ng aplikante ang kanilang kakayanan.
 
"Ang sinasabi ng industriya, kapag ipinatupad ang K to 12, at tama ang pagtupad, kahit hindi na sila maghahanap ng college diploma para sa iba't ibang posisyon na hindi naman talaga kailangan ng degree," ani Salazar, na presidente ng Philippine Business for Education.
 
Sa kabila nito, nanawagan si Vargas sa iba pang magulang na magsalita at ilabas ang saloobin sa pagtutol sa K to 12 program.
 
"Baka takot sila sa mga principal ng kanilang mga anak," aniya. "Pero nananawagan kami sa mga magulang na magsalita, panahon na."
 
Isasama umano nila sa ihahaing petisyon sa SC ang makakalap na mga lagda laban sa programa sa Abril 20.
 
"Nagsimula kami noong Holy Monday, at sa ngayon, mayroon na kaming 10,000 signatures," ani Vargas na patuloy pa rin umano ang pagkuha nila ng mga lagda sa ibang lugar.
 
Kamakailan lang, nanawagan si Senator Antonio Trillanes IV kay Aquino at sa Supreme Court na suspindihin muna ang implementasyon ng K to 12 program dahil hindi pa handa ang bansa para rito.
 
"Nanawagan ako kay PNoy [at sa] Supreme Court para ipa-suspend ang K to 12 dahil hindi pa handa ang ang ating public education system at hindi talaga kaya ng mahihirap na magulang magpaaral pa ng dagdag na two years sa high school," anang senador. — FRJ, GMA News

Tags: k12program