Filtered By: Topstories
News

MILF, nanindigan na 'di isusuko ang mga tauhan na isinasangkot sa Mamasapano clash


Binigyan-diin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Biyernes na hindi nila isusuko ang mga tauhan na sasampahan ng kaso kaugnay ng nangyaring madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
 
Giit ni Ghadzali Jaafar, MILF vice chairman for political affairs, rebolusyunaryo ang MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces, at ipinagtanggol lamang ng kanilang mga kasapi ang sarili nang umatake umano ang Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF).

“Matagal na naming sinasabi na hindi namin sila puwedeng isuko dahil wala silang kasalanan. Bakit sila isusuko, napilitan lamang silang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.  Ang may kasalanan ay iyong SAF na pumunta doon at nilusob iyong barangay kahit alam nila na may MILF sa lugar na iyon,” paliwanag ni Jaafar sa panayam ng GMA News TV's News To Go.

Idinagdag ni Jaafar na hindi makatarungan kung basta na lang aarestuhin ang kanilang mga kasapi nang walang kasong isinasampa.

“Kapag sila ay aarestuhin nang walang kaso e injustice iyon, hindi makatarungan at hindi dapat mangyari. They are legitimate members of the MILF and they are revolutionaries,” pahayag ng opisyal.

Nitong Huwebes, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na nasa 90 katao mula sa MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at private armed groups ang inirekomendang kasuhan sa nangyaring Mamasapano encounter. Base umano ito sa inilabas na ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) at National Prosecution Service (NPS).

Nanawagan ang kalihim sa MILF na makipagtulungan sa imbestigasyon para makompleto ang ulat.
 
“We hope that they would now give us access to the witnesses and families ng mga victims nila [sa MILF] and also ng civilians para ma-file-an din ng kaso iyong mga found responsible,” ani De Lima.

Nasawi sa nangyaring engkuwentro sa Mamasapano, ang 44 na SAF commandos, 17 MILF fighters, at limang sibilyan.

Target noon ng SAF troopers sa Mamasapano ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan,  at ang Pinoy bombmaker na si Abdul Basit Usman.

Napatay sa naturang misyon si Marwan pero nakatakas si Usman.

Sa kabila ng planong pagsasampa ng kaso, iginiit ni Jaafar na dapat ipasa ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na naapektuhan ang deliberasyon dahil sa Mamasapano incident.

“Dapat ipagpatuloy ang pag-uusap sa kapayapaan. Kung kami ang tatanungin dapat maging batas ito sapagkat kinakailangan maitatag iyong gobyernong Bangsamoro sa tamang panahon. Ito ang peaceful solution sa problema sa Mindanao,” anang opisyal. -  FRJ, GMA News