Filtered By: Topstories
News

Nagpahamak umano kay Mary Jane Veloso sa Indonesia, hinahanap na ng NBI


Hinahanap na ngayon ng National Bureau of Investigation ang isang lalaki na "African-looking" na sinasabing kasabwat ni Maria Kristina Sergio, na umano'y nag-recruit at nanlinlang kay Mary Jane Veloso para magpasok ng droga sa Indonesia.
 
Nakatakdang ipatupad ng Indonesia ang parusang kamatayan kay Veloso ngayong Martes sa pamamagitan ng firing squad.
 
Sa panayam, sinabi ni Justice Sec. Leila De Lima na nakikipag-ugnayan na ang NBI sa kanilang counterpart sa Malaysia tungkol sa isang alyas "Ike," na sinasabing kasabwat umano ni Sergio.
 
Base sa nakuhang impormasyon ng NBI, si Ike ay isang "African descent" na ang huling address ay natukoy sa Petaling Jaya, Malaysia.
 
Sa artist sketch, inilarawan si Ike na nasa edad 30 hanggang 35, may bigat na 230 hanggang 250 pounds, at nasa anim na talampakan ang taas, at maitim balat.
 
Sinasabing si Sergio umano ang nagpakilala kay Veloso kay Ike, na siyang nagbigay ng bag na dinala nito sa Indonesia mula sa Malaysia.

Napag-alaman na hiningan pa umano ni Sergio si Veloso ng P7,000, mobile phone, at tricycle kapalit ng trabaho nito sa Malaysia.
 
Ayon kay De Lima, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang tunay na nationality at place of origin ni Ike.
 
"The NBI officers are coordinating with their counterparts sa Malaysia. And then the place of nationality of that alleged alias Ike, that's really part of the investigation now," pahayag ng kalihim.
 
Naghain naman ang NBI ng reklamong human trafficking, illegal recruitment, at estafa laban kay Ike, Sergio, at sa live-in partner ni Segio na si Julius Lacanilao.

Una nang sumuko si Sergio sa mga awtoridad at iginiit na wala siyang kasalanan.
 
Ayon sa NBI, hindi nakarehistro sa Philippine Overseas Employment Administration sina Sergio at Lacanilao para mangalap ng manggagawa para sa ibang bansa.

Magkasama umano sina Sergio at Veloso na nagtungo sa Malaysia pero hindi na sumama si Sergio papunta sa Indonesia.

“A few days later, Christine (Sergio)  told Mary Jane (Veloso) that they will go to Indonesia to meet someone. Shortly thereafter, Christine told the victim that she cannot make it to Indonesia and that the latter (Mary Jane) will have to go there alone,” saad sa NBI report.
 
“Christine then gave the victim the address where the latter is supposed to go. Victim stated that she has no recourse but to follow Christine’s instruction as she is not yet employed and, therefore, has no source of income in Malaysia,” dagdag sa ulat.
 
Bago magpunta sa Indonesia, nag-alok daw si Sergio na magbibigay ng traveling bag kay Veloso, na umano'y nagmula kay “Ike.”
 
Sa simula ay napansin na umano ni Veloso na mabigat ang bag kahit wala pa siyang nakikitang laman. Pero idinahilan umano ni Sergio na bago lang kasi ang bag.

Mahigit dalawang kilo ng heroin ang nakita ng mga awtoridad sa bag na dala ni Veloso nang dumating ito sa Indonesia. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT