Filtered By: Topstories
News

PNoy, isiniwalat na nag-usap sila ni Sen Grace Poe tungkol sa pulitika


Kinumpirma ni Pangulong Benigno Aquino III na nagkausap sila kamakailan ni Senador Grace Poe na may kaugnayan sa pulitika. Kasalukuyang nasa Canada ang Punong Ehekutibo para sa three-day state visit.

Sa panayam ng mga mamamahayag na kasama ni Aquino sa biyahe sa Canada, tumanggi ang pangulo na idetalye ang naging pag-uusap nila ni Poe.

"We had a discussion recently and I am not at liberty at this point in time to discuss all of the details," paliwanag niya.

Gayunman, ihahayag daw niya ang napag-usapan nila ng senadora sa tamang panahon.
 
“The best to say it is we broached the idea of continuing the things that this administration has been trying to do. Now, in what capacity, that’s not yet finalized. And that can also include even campaigning," anang pangulo.
 
Dagdag pa ni Aquino, bukas siya sa lahat ng posibilidad pagdating sa darating na halalan at pakikipag-alyansa sa ibang grupong politikal.

Dahil dito, sinabi ng pangulo na hindi malilimitahan sa partido niyang Liberal Party (LP) ang pagpili ng magiging pambato ng administrasyon pagdating sa 2016 presidential elections.

Nang tanungin kung bukas din siya sa posibilidad na iendorso ang isang independent candidate, tugon ng pangulo, “Possible.”

Sa mga nakaraang survey, nangunguna si Poe sa listahan ng mga posibleng maging susunod na bise presidente kapag idinaos ang 2016 elections.

Sa mga napipisil naman na susunod na lider ng bansa, lumilitaw sa mga survey na halos dikit ang numero ni Poe sa nangungunang si Vice Presidente Jejomar Binay.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni Poe na wala pa siyang desisyon kung tatakbo siya sa 2016 elections.



"Marami naman kasing pinag-uusapan na ganyan pero yung mga sinasabi naman nila na may mga alok eh sila-sila lang naman kasi ang nagsasabi nun," ani Poe.

Dagdag ng senadora, "Pagdating po sa akin marami pang kailangang ipagdasal para malaman kung ano ba ang makakabuti, paano ba talaga makakatulong."
 
Nauna nang naiulat na nililigawan ng LP si Poe na maging katambal ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas sa 2016 elections. -- FRJ, GMA News