Filtered By: News
News

Lito Lapid, tatakbong alkalde sa Pampanga; anak na si Mark, sa Senado naman


Plano ni Senador Lito Lapid na tumakbong alkalde ng Angeles City sa Pampanga sa darating na 2016 elections, samantalang tatakbong senador naman ang anak niyang si Mark.

“Hindi naman ako bagay dito (sa Senado), joke lang. Tsamba-tsamba lang po, nananalo sa awa ng Panginoon at sa tulong ng ating taumbayan,” pahayag ni Lapid nang tanungin ng mga mamamahayag tungkol sa kaniyang plano ngayong matatapos na ang termino niya bilang senador ng bansa.

Bukod sa pagiging senador, naging bise gobernador at gobernador ng Pampanga si Lapid. Noong 2007, tumakbo siyang alkalde ng Makati City pero natalo kay Jejomar Binay, na bise alkalde ngayon.

Ayon kay Sen. Lapid, ang anak niyang si Mark, dating gobernador din ng Pampanga, ang tatakbo namang senador sa 2016.

“Si Mark tatakbong senador, tatakbo siya kahit na independent. Qualified naman siya, siya naman talaga ang nag-aral. Ako, mayor sa Angeles City,” paliwanag ng nakatatandang Lapid.

Aminado si Lapid na masaya pero nakakanerbiyos ang 12 taong karanasan niya bilang senador dahil na rin sa kakulangan niya ng pinag-aralan.

“Masaya. Kinakabahan lagi hanggang ngayon. Siyempre kapos ako sa pinag-aralan. Ang mga tanong [ay] baka hindi ko masagot, ‘di ba? Basta trabaho lang tayo nang trabaho, kung may magandang bills susuporta tayo,” ayon sa senador na dating action star.

Marami rin umano siyang natutunan bilang miyembro ng Senado.

Kapwa miyembro ng Lakas party ang mag-ama pero handa raw ang kaniyang anak na si Mark na makipag-alyansa sa ibang partido tulad ng Liberal Party. Nais naman ng senador na tumakbong sa ilalim ng lokal na lapian sa Pampanga na Lingap Lugod.

“Kung kukunin siya [ng Liberal Party], kami naman ay bukas pero wala pang offer. Puwedeng makipag-coalition naman, ganyan naman talaga 'yan pero kahit na independent tatakbo pa rin yun,”  ani Lapid na nagpahayag ng pagdududa kung makakabuo ng buong line-up ng mga kandidatong senador ang Lakas.

Kasalukuyang chief operating officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority si Mark. Bukod sa pagiging dating senador ng Pampanga, naging pinuno rin noon ang nakababatang Lapid ng Philippine Tourism Authority.

Samantala, kapag nagpasyang tumakbo sa mas mataas na posisyon si Sen. Grace Poe, sinabi ni Lapid na susuportahan niya ito.

“Aba siyempre Fernando Poe 'yan, ang laki ng utang na loob namin diyan,” patungkol ni Lapid sa namayapang ama ni Grace. "Kahit saan siya susuportahan namin siya.” —FRJ, GMA News