Filtered By: Topstories
News

Bong Revilla, posible pa ring tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections


Inihayag ng nakadetineng senador na si Ramon Bong Revilla Jr. na bukas siya sa posibilidad na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections. Nais din niyang makasali sa debate ng Senado tungkol sa kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL).
 
“I keep my options open, kahit nakakulong ako dahil alam kong malinis ang aking konsensya at lalabas at lalabas ang katotohanan,” tugon ni Revilla nang matanong ng mga mamamahayag kung plano ba niyang tumakbong presidente o bise presidente sa 2016.

Dumalo si Revilla sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Huwebes kaugnay sa kaniyang petisyon na makapagpiyansa sa kasong plunder na hinaharap dahil sa umano'y katiwalian sa paggamit ng kaniyang pork barrel funds.

Giit ng senador, malinis ang kaniyang konsensiya at walang katotohanan ang ibinibintang sa kaniya.

“Ang tanong ko lang, mayroon bang nagbabawal na tumakbo ang isang nakakulong? Wala namang batas na nagbabawal, 'di ba? Hindi pa naman tayo convicted,” ani Revilla, na opisyal ng partidong Lakas-CMD.
 
Tumanggi si Revilla na tukuyin ang posisyon na posible niyang takbuhan sa 2016 at mga personalidad na bumibisita raw sa kaniya at nagpapahayag ng kanilang suporta sa kaniyang magiging plano sa pulitika.

“Secret na lang muna, basta nakahanda ako pero sa tamang panahon yan,” aniya.
 
Dagdag pa niya, “Saka alam mo kung guilty ka, ‘di ka na mag-iisip pang tumakbo. Pero kung malinis ang konsensya mo, wala kang dapat ikatakot. Pero basta, hintayin na lang natin, hanggang October naman ang filing of candidacy.”
 
Gayunman, aminado si Revilla na nakakabawas ng tiwala ng publiko ang alegasyon ng katiwalian na ibinabato sa kaniya.
 
“I have to admit that maraming nalason sa pagbato ng putik sa 'tin. Kita niyo naman ang dumi ng pamumulitika ngayon,” pahayag niya.  “Sana parehas na laban na lang, parehas na laban. Let the people decide.”

Sali sa debate ng BBL

Samantala, nais din niyang makasali sa gagawing debate ng Senado kapag sinimulan nang talakayin sa plenaryo ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na bubuo sa bagong political entity na papalit sa Autonomous Region on Muslim Mindanao (ARMM).
 
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Revilla na inatasan na niya ang kaniyang mga abogado na maghain ng mosyon sa Sandiganbayan para payagan siyang makadalo sa sesyon ng Senado.
 
Paliwanag niya, nananatili pa rin ang kaniyang responsibilidad bilang mambabatas kahit nakadetine siya.

Dagdag pa niya, napakahalagang panukala ang BBL na hindi lang makakaapekto sa Mindanao kung hindi maging sa buong bansa.
 
“To not participate in its crafting is dereliction of our mandated duty that we swore to fulfill. Kailangan pa rin naming tuparin ang aming sinumpaang tungkulin,” ani Revilla.
 
“The people of Mindanao and the entire country made me their representative. Kailangan marinig ang kanilang tinig,” paliwanag niya.

Ayon kay Revilla, siya ang top senator sa mga boto sa Mindanao noong 2010 elections.

“I am hopeful that the First Division will allow me to fulfill my mandate.  Not only is it my constitutional right, but more importantly, my constitutional duty,” ani Revilla. -- FRJ, GMA News