Filtered By: Topstories
News

Report na nagrerekomendang kasuhan ng plunder si VP Binay, pinirmahan ni Grace Poe


Kinumpirma ni Senador Grace Poe nitong Biyernes na kabilang siya sa mga senador na pumirma na sa Blue Ribbon subcommittee report na nagrerekomenda na kasuhan ng plunder si Vice President Jejomar Binay.
 
Maliban kay Poe, mayroon pang tatlong senador na pumirma sa draft partial report na ginawa ng subcommittee na nagsiyasat sa mga alegasyon ng katiwalian ng bise presidente.
 
"I have read the subcommittee recommendation and found the same supported by documentary evidence as well as expert and personal testimonies that remain unrebutted by competent evidence to the contrary," saad ni Poe sa text message.
 
"As in the PDAF inquiry, I join my colleagues in seeking further investigation by the Ombudsman of the matter and the consequent filing of the appropriate criminal complaint which in this instance appears to be plunder," dagdag ng senadora.
 
Hindi pa ipinapalabas ng Senado ang opisyal na kopya ng naturang ulat.
 
Ayon kay Sen. Aquilino Pimentel III, pinuno ng subcommittee, ang mother committee na Blue Ribbon na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona III, ang magpapasya kung ilalabas ang naturang ulat.
 
Kailangan ang siyam na pirma ng 17 kasapi ng komite para maging opisyal ang nasabing ulat.
 
Kasama ni Poe na pumirma sa draft report sina Pimentel, Sens. Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV.
 
Sina Pimentel, Cayetano at Trillanes ang mga senador na regular na dumadalo sa pagdinig ng komite tungkol sa mga alegasyon ng katiwalian laban kay Binay.
 
Sa text message, sinabi ni Pimentel na pang-apat si Poe sa pumirma sa draft report.
 
“Yes, si Grace ang fourth. That's confirmed. She signed yesterday (Thursday) after lunch time,” ani Pimentel. "Kapag nag-sign, ibig sabihin agree siya sa general message or finding of the report. Pwedeng mag-disagree sa details pero ang importante ay agree sa general tenor of the report.”
 
Nalungkot  si VP Binay
 
Inihayag naman ng kampo ni Binay na ikinalungkot ng bise presidente ang pagpanig umano ni Poe sa mga senador na umano'y nanggigipit sa pamilya Binay.
 
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Rico Quicho, tagapagsalita ni Binay, na umaasa umano ang bise presidente na babasahin ni Poe ang isinumite nilang affidavit na binalewala umano ng subcommittee.
 
“Nalulungkot si Vice President Binay dahil mukhang pinanigan pa ni Senador Grace Poe ang mga senador na nang-usig sa kaniya at sa kaniyang pamilya at nang-bully ng mga inosenteng tao," ani Quicho.
 
Sa naturang affidavit, ipinaliwanag umano ni Binay ang posisyon nito kung bakit walang basehan ang mga alegasyon sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
 
Ugnayan nina Poe at Binay
 
Ang ugnayan nina Poe at Binay ay nagmula pa noong 2004 presidential elections nang maging campaign manager si Binay ng namayapang si Fernando Poe Jr., ama ni Sen. Poe.
 
Noong 2013 mid-term elections, inalis ng United Nationalist Alliance (UNA), na pinamumunuan ni Binay, bilang guest senatorial candidates sina Poe, at Sens Francis Escudero at Loren Legarda, nang hindi sila dumalo sa mga political rally at sorties ng partido.
 
Kasunod ng pag-init ng pulitika para sa nalalapit na 2016 presidential elections kung saan intensiyon si Binay na tumakbong pangulo, inihayag nito ang hangarin na maging running mate niya si Poe.
 
Gayunman, nagpahayag kamakailan si Poe na hindi niya nakikita ang sarili na makakatambal si Binay sakaling magpasya siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016.
 
Base sa mga nakaraang survey na lumabas tungkol sa mga personalidad na posibleng tumakbong presidente sa 2016, si Poe ang lumalabas na mahigpit na makakalaban ni Binay.— FRJ, GMA News

LOADING CONTENT