Filtered By: Topstories
News

Dumi o ipot ng bangus sa palaisdaan, pinag-aaralan na pagkunan ng enerhiya


Bukod sa ginagawang abono o pataba sa lupa, pinag-aaralan na ngayon ng mga dalubhasa gawing biogas ang mga ipot o dumi ng isda sa Pangasinan upang pagkunan ng enerhiya.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Mang Serafin, tagapangalaga ng isang palaisdaan sa Pangasinan, na kinokontrol niya ang dami ng pakain sa mga alaga niyang bangus para hindi mamatay ang mga ito.

Bukod kasi sa init ng panahon, posibleng ring pagsimulan ng fishkill ang dumaraming dumi ng mga isda na naiipon sa ilalim ng tubig.

"Bago ang harvest, lilinisan namin 'yan, inaalis nila yung tae nila sa ilalim ng palaisdaan," ayon kay Serafin.

Kaya naman ngayong mainit ang panahon, pinaiigiting ang paglilinis sa dumi ng mga isda.

Ang naturang mga dumi ng isda, hindi lang daw basta itatapon dahil ginagawa itong fertilizer o abono.

Ngayon, pinag-aaralan na ng isang Italian company kung maaating gawing biogas ang dumi ng mga bangus, gaya ng ginagawa ngayon sa mga dumi ng manok.

"Kung puwedeng gamitin ang tae ng manok for renewable energy like biogas, baka puwede rin yung tae ng bangus," ani Alaminos mayor Arthur Celeste.

Kung magiging matagumpay ang proyekto, makatutulong daw ito para malinis na maging ang ibang daluyan ng tubig sa pangasinan kabilang na ang Caquipotan Channel para maiwasan ang fishkill.

Pero paalala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, isa lang ang pagtatanggal sa dumi ng mga isda sa mga paraan para maiwasan ang fishkill.

Pinakamainam pa rin daw ang pagbaklas sa mga iligal na fishpen at fish cages lalo na sa Caquipotan channel.

Ang sobrang dami raw ng mga fishpen ay nagiging sanhi ng pagbaba ng dissolved oxygen sa tubig na nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga isda. -- FRJ, GMA News

Tags: biogas
LOADING CONTENT