Filtered By: Topstories
News

Panukalang batas para sa libreng wi-fi sa pampublikong lugar, lusot na sa Kamara


Aprubado na sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na maglagay ng libreng wireless Internet connection sa mga pampublikong lugar sa bansa tulad ng mga parke, plaza at terminal ng mga sasakyan.

Pangunahing layunin ng panukalang batas na mabigyan ng libreng pagkukunan ng internet connection ang mga tao na nasa mga pampublikong lugar, ayon sa may akda ng House Bill No.  5791 na si Kabataan party-list Rep. Terry Ridon.

Ang naturang panukalang batas ay idinepensa ni House Committee on Information and Communications Technology chairman Rep. Joel Roy Duavit (Rizal) nang isalang sa plenaryo ng Kamara.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang kinauukulang ahensiya na maglagay ng broadband hotspots sa lahat ng national government offices; sa mga state university and colleges; public parks at mga plaza; public hospitals at public transportation terminals.

Maliban kung may usapin ng peligro sa seguridad sa lugar, hindi dapat lagyan ng password ang mga ikakabit na wi-fi connections.

Ang Information and Communications Technology Office (ICTO) ng Department of Science and Technology (DOST) ang inatasan sa panukalang batas na manguna sa pagpapatupad ng programa.

Nakasaad sa panukala na walang anumang dapat siningil sa publiko na gagamit ng wi-fi internet connection, at dapat protektahan at igalang ang privacy ng mga taong gagamit nito. -- FRJ, GMA Network.com

Tags: wifi