Filtered By: Topstories
News

Ganda ng lola mo!: 68-anyos na Pinay, wagi sa isang beauty contest sa Malaysia


Gandang walang kupas. Ito ang taglay ng isang 68-anyos na Pinay matapos niyang talunin ang 31 iba pang kandidata mula sa iba't ibang bansa, at makuha ang korona bilang Mrs Classic Asia International sa Malaysia kamakailan.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, inihayag ni Ludivina Lelim Nacionales, na kahit sa panaginip ay hindi niya inisip na magiging isa siyang beauty queen.

At kahit siya ang pinaka-may edad sa lahat ng kandidata, nangibabaw pa rin ang talino at gandang Pilipina sa ginanap na kompetisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.

"I'm the oldest of all the candidates and they're all beautiful actually. But I think the judges liked me because of the way I carry myself," pahayag ni Ludivina.



Pag-amin pa niya, halos nawalan na siya ng pag-asa nang gawin ang "Glitter Night," na idinaos bago ang coronation night. Sa 20 special awards kasi na ipinamigay, wala siyang nakuha.
 
Pero dahil sa dala niya ang pangalan ng Pilipinas, ginawa raw niya itong hamon at lumaban nang husto sa pagdating ng grand coronation night. Dito, apat na titulo ang nakuha niya kabilang na ang pinakamataas na Mrs. Classic Aasia International.

"I'm proud to represent out country," aniya.

Maihahalintulad sa fairy tale ang kuwento ng buhay ni Ludivina. Isa siyang single mother na sinubukan ang kapalaran sa Amerika.

Muntik na raw siyang sumuko sa pakikipagsapalaran sa US dahil wala siyang trabaho at tanging pagtitinda ng lutong ulam sa mga kapwa Pinoy ang pinagkakakakitaan.

Pero dahil sa pagsisikap, nakaipon siya ng puhunan at nakapagtayo ng board and care home para sa matatanda na kabilang daw sa mga inspirasyon niya sa kaniyang pagsali sa nabanggit na kompetisyon. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT