Filtered By: Topstories
News

'Di dapat galawin ang monumento ni Rizal sa Luneta -- Palasyo


Hindi naiwasang matawa ng tagapagsalita ng Malacañang nang hingan ng komento tungkol sa mungkahi ng isang kongresista na italikod na lang ang monumento ni Jose Rizal sa Luneta para matapos na ang isyu sa "photobomb" condominium na Torre de Manila.
 
Sa panayam ng state-run dzRB radio nitong Sabado, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na hindi dapat galawin ang monumento ni Rizal.
 
"(S)iguro hindi ho naman dapat yung monument ni Rizal yung galawin natin para lang umayos ho yung ano doon, di ba? Let’s leave the monument be," anang tagapagsalita ng Palasyo.
 
Una rito, iminungkahi ni Manila Rep. Amado Bagatsing na ipihit na lang ang monumento ni Rizal para nakaharap ito ang Maynila at matatalikod sa dagat.

Sa ganitong paraan, ang dagat na ang makukunan bilang background sa monumento ni Rizal at hindi na ang kontrobersiyal na condominium building na itinayo ng DMCI Homes.

Pero ang mungkahi ni Bagatsing ay tinutulan ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) dahil sadyang iniharap si Rizal sa dagat nang gawin ang monumento.
 
"Tingnan mo ang real estate values ng properties pag nakaharap sila sa tubig—[riverside], oceanside, seaside properties. Mahal 'yan. Kung kaya't binibigay natin kay Rizal ang pinakamahalagang real estate dito sa buong bansa," paliwanag ni NCCA lawyer Trixie Angeles.

Nagpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema upang pigilin ang konstruksiyon ng gusali ng DMCI habang dinidinig ang petisyon sa nasabing usapin. -- FRJ, GMA News