advertisement
Filtered By: News
News
Bulok na sistema

Grace Poe, binatikos ang batuhan ng putik sa pulitika


Isinisi ni Senador Grace Poe sa bulok na sistema ng pulitika sa bansa ang batuhan ng putik at siraan ng mga politiko bago pa man sumapit ang eleksiyon.

Sa panayam ng mga mamahayag nitong Miyerkules, sinabi ng senadora na inaasahan niyang mas marami pang akusasyon ang ipupukol sa kaniya habang papalapit ang halalan.

“Siyempre nilalakasan mo ang loob mo, naghahanda ka pero para nga sa akin yung bulok na sistema ng pulitika kailangan natin tingnan, suriin mabuti,” aniya.

Ikinalungkot umano ni Poe ang lumabas na ulat sa pahayagan na isa siyang lasengga, isinailalim sa rehabilitasyon, at abusadong amo.
 
“Alam mo nalulungkot ako doon, nambubugbog daw, lasenggo, nag-rehab, lahat na po iyan tinatapon nila. May mga lalabas pa daw. Alam ninyo po, kapag nasa panig ninyo ang katotohanan, hindi naman po ako natatakot diyan,” pahayag ni Poe, sabay pagtanggi sa nakasaad sa naturang ulat.

Ayon sa mambabatas, kung umiinom man siya (ng beer o white wine) ay tuwing may okasyon lang.

“Nalulungkot lang ako sapagkat hindi naman po ako nagbubuhat ng kamay sa kanila. Kung umiinom man, sa party, beer or white wine, hindi naman po siguro lasenggo 'yon at hindi po ako nagpa-rehab,” dagdag niya.
 
Paliwanag pa ni Poe, “Ngayon, para sa mga nagpapa-rehab naman, ako kasi, public order and dangerous drugs e, iyan po ay pinapalakas natin sa ating bansa, importante po ang rehabilitation para maayos ang sitwasyon ng mga naging adik, pero hindi po ako iyon.”
 
Sa kabila ng mga alegasyon, sinabi ng senador na ipagpapatuloy niya ang kaniyang mga adbokasiya pero wala pa rin siyang tiyak na sagot kung tatakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections. — FRJ, GMA News
LOADING CONTENT