advertisement
Filtered By: News
News

Customs chief Lina, nag-sorry sa mga OFW dahil sa balikbayan box issue


Humingi ng paumanhin nitong Huwebes si Customs Commissioner Alberto Lina sa mga overseas Filipino worker (OFW) kaugnay ng plano ng ahensiya na buksan at suriin ang laman ng mga balikbayan box, na hindi natuloy matapos batikusin ng mga migranteng manggagawa.

"Ako ay nagso-sorry kung may natapakan. I give my 200 percent support to them," pahayag ni Lina nang dumalo sa ipinatawag na pagdinig ng Senate committee on ways and means kaugnay ng usapin sa mga balikbayan box.

Ayon kay Lina, ginagawa na nila ang bagong patakaran sa BOC para madaling makuha ng mga OFW ang kanilang mga balikbayan box, habang tinutugunan din nila ang problema sa smuggling.
 
Sinabi ng opisyal na humihingi sila ng listahan ng mga OFW para mas mapadali ang pagproseso sa mga kahon.

"'Pag may listahan kami, ipa-pre-clear ko na para mabilis ang pagde-deliver sa kanilang bahay," ani Lina, na nagsabing may kapatid din siyang OFW sa Oman.

Iginiit din niya na hindi nais ng BoC na puntiryahin ang mga OFW sa planong paghihigpit sa balikbayan boxes kung hindi ang nagaganap na technical smuggling at pagpupuslit ng mga iligal na gamit.
 
"Hindi naman sila (OFWs) ang aming puntirya," ani Lina. "Ang tinutukoy ko ay yung mga gumagamit ng balikbayan boxes sa kanilang iligal na gawain."

Hindi naipatupad ang naturang plano ng BoC matapos itong pigilin ni Pangulong Benigno Aquino III makaraang batikusin naman ng mga OFW.

Walang katibayan

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Customs deputy commissioner Jessie Dellosa na wala pa silang katibayan na magpapatunay na ginagamit ng mga mapagsamantala ang balikbayan boxes para mapuslit ng mga iligal na droga o armas sa bansa.

“So far negative sa balikbayan box,” tugon ni Dellosa sa tanong ni Sen Ferdinand Marcos Jr. kung may nakuha nang mga iligal na gamit sa balikbayan box.

Dahil sa tugon ni Dellosa, ipinagtaka ni Marcos kung ano ang ginamit na basehan ng BoC para sa planong pagbubukas sa mga kahon.

"Where did the information that balikbayan boxes contain illegal drugs or armaments come from?" tanong ng senador. "What was the basis of your statement if there was no incident reported by your office? There is no record  na nahuli na may laman na armas o droga, where did this information spring from?"

Paliwanag ni Lina, nakatanggap sila ng impormasyon na gagamitin ang mga balikbayan box para magpuslit ng mga iligal na bagay.
 
Sinabi rin ni Lina na umaabot sa P3 bilyon hanggang P6 bilyon bawat taon dahil sa smuggling gamit ang balikbayan boxes.

"Humigit-kumulang sa pag-aaral namin, ilang bilyong piso ang nawawala sa atin. Estimated lang po 'yan, nasa P3 billion to P6 billion,” paliwanag ng opisyal.

Dahil sa direktiba ni Aquino, sinabi ni Lina na hindi na bubuksan ng mano-mano ang mga kahon at sa halip ay idadaan ang mga ito sa X-ray  machines.

“Ang panuntunan namin ay X-ray na lang 'yun at bago dumating dito para ma-clear na at para huwag gumastos ang freight forwarders, maaga silang magsa-submit ng invoice at packing list para mabilis ang pag-i-inspect,” paliwanag niya.— FRJ, GMA News
LOADING CONTENT