advertisement
Filtered By: News
News
Pasahero ang biktima

Tauhan ng NAIA na sangkot daw sa 'sex for flight,' nadakip sa loob ng motel


Naaresto sa isang entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isang motel sa Pasay City ang isang security officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pakikipagtulungan ng biktima, ikinasa ng Anti-Human Trafficking Division ng NBI ang operasyon at nadakip sa loob ng motel si Benedict Larcibal, 29-anyos, ayon sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes.



Ayon sa biktima, hindi siya nakabiyahe papuntang Singapore dahil may "red mark" o nakitaan ng problema sa kaniyang dokumento.

Dito na umano nagpakilala sa kaniya si Larcibal na immigration officer at nag-alok na tutulungan siya na maayos ang kaniyang problema kapalit ng P35,000.

"Continuous yung calls niya, communicate niya na ine-explain niya yung pag-proseso. Nagbigay na siya ng price na P35,000 para ma-clear na 'yung lahat, para makaalis na kami," anang biktima.

Pero bukod sa pera, humirit pa umano si Larcibal na makasiping siya at tiniyak na hindi siya mabubuntis.

"Hindi ba kita pwedeng masolo and mahihirapan na ko kung next week kasi mapapatungan na yung ibang records mahihirapan na call me para ma-explain ko ulit ng maayos," nakasaad sa isang text na ipinadala umano ni Larcibal sa biktima.

Mariing itinanggi ni Larcibal ang alegasyon laban sa kaniya kahit nahuli siya sa loob ng motel at nasa kaniya ang P10,000 na markadong pera na ginamit ng mga awtoridad sa operasyon.

Hinikayat naman ni Atty. Abdul Jamar Dimaporo ng NBI ang iba pang posibleng nabiktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan.

"Lumalabas, may human trafficking angle eh, kasi he was trying to facilitate the exit ng babae. Lahat ng nabiktima ng ganitong modus, sana lumapit kayo dito sa 'min sa NBI para at least naman mabigyan natin sila ng katarungan," paghikayat ni Dimaporo.

Isasailalim naman ng NBI sa digital forensic examination ang cell phone ni Larcibal para malaman kung sino pa ang kaniyang mga kasabwat. -- FRJ, GMA News
LOADING CONTENT