Filtered By: Topstories
News

ARMM Gov. Hataman, humingi ng paumanhin sa kaibigang si Robin Padilla


Dahil sa magkaiba ng susuportahan sa panguluhang halalan sa 2016 elections, humingi ng paumanhin si Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv Hataman sa kaibigan aktor at kapwa Muslim na si Robin Padilla.

"Pasensya po kayo brother Robin dahil ngayon lang namin ramdam ang pagbabago at pagmamahal ng pamahalaan ng tuwid na daan," saad sa Facebook post ni Hataman.

"Nirerespeto ko kung ayaw mo kay Mar pero sana maunawaan din nyo kung bakit namin sinusuportahan at susuportahan si Mar," dagdag ng gobernador na kapartido sa Liberal Party ni administration standard bearer Mar Roxas.

Ang pahayag ni Hataman ay reaksiyon sa Facebook post din ni Padilla nitong Huwebes tungkol sa naging pahayag ng isang mambabatas sa Mindanao na walang "Duterte fever" sa ARMM.

 

Nakalulungkot ito para sa Muslim Mindanao. Nakalimutan na natin talaga ang All out War, zamboanga at mamasapano.Libo...

Posted by Robin Padilla on Thursday, December 17, 2015

 

"Walang Duterte fever sa Sulu, Tawi-Tawi, at Basilan. We are all for Mar. Everybody is for Mar. The 5 provinces in ARMM are for Mar," ayon kay  Tawi-Tawi Rep Ruby Sahali.

Tugon dito ni Robin, "Nakalulungkot ito para sa Muslim Mindanao. Nakalimutan na natin talaga ang All out War, zamboanga at mamasapano.Libo libong muslim mindanaoans ang itinapon ng malaysians mula sa sabah pabalik sa tawi tawi at Jolo.."

Patuloy pa ng aktor, "Ito ay naganap sa panahon na ito, ang bilis ninyong makalimot. Wala akong masasabing pangit kay Ginoong Mar Roxas ngunit wala rin akong masasabing maganda. 6 na taon silay namuno, walang mahirap na bangsamoro ang nakinabang dito kundi ang mga May kapangyarihan."

Sa kasagsagan ng paghihilom ng sugat na idinulot Mamasapano encounter noong Enero, magkasama sina Hataman at Padilla sa "Peace Caravan and YapaKapayapaan" na bumisita sa mga residente sa Maguindanao para maghatid ng tulong at ipagpatuloy ang pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.

Samantala, ikinalungkot din ni Hataman ang kabiguan ng Kongreso na maipasa ang Bangsamoro Basic Law ngayong taon na bahagi ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front.

"Dead na raw ang BBL, hindi lang po BBL ang pinatay nyo maging ang pangarap namin para sa isang mapayapang bukas," saad sa hiwalay na post ng gobernador. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT