Filtered By: Topstories
News

Pekeng pulis, nabisto ng tunay na pulis; bitbit na baril, peke rin


Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang isang lalaking nagpulis-pulisan sa Cebu City pero totoong uniporme ng pulis ang suot.

Sa ulat ni Chona Carreon ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, hitsurang totoong pulis ang dating ni Dojie Canindo na paikot-ikot umano sa South Road Properties sa Cebu.

Pero bagaman tunay na uniporme ng pulis ang suot ni Canindo, wala naman siyang "badge" o tsapa, at ang bitbit niyang baril, replika o laruan lang.

Nabuko ang pagiging pekeng pulis ni Canindo nang hindi ito makasagot sa mga tanong ng isang tunay na miyembro ng Regional Public Safety Batallion, tungkol sa pagiging pulis.

Sa presinto, sinabi ni Canindo na nagsuot siya ng uniporme ng pulis dahil noon pa man ay gusto na talaga niyang maging alagad ng batas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na convicted pala si Canindo sa kasong rape noong 2003. Nakalaya lang siya noong 2013 matapos mabigyan ng parole.

Pero iginiit ni Canindo na napagbitangan lang daw siya sa naturang kaso.

Dahil sa insidente, iimbestigahan din ng Police Regional Office Region-7 ang Toñings Clothier, na binilhan ni Canindo ng uniporme ng pulis.

Ayon sa pulisya, dapat hinahanapan ng tindahan ng PNP identification card ang sinumang magpapatahi o bibili ng PNP uniform para matiyak na pulis ito.

Pero paliwanag ng mga tauhan ng Toñing's Clothier, hindi na raw nila hinahanapan ng identification card ng PNP ang mga nagpapatahi ng uniporme dahil accredited naman daw sila ng PNP.

Nahaharap si Candido sa mga reklamong illegal use of uniform and insignia, illegal possession of gun replica, at violation ng Comelec gun ban. -- FRJ, GMA News