Filtered By: Topstories
News
Suspek, textmate daw ang biktima

14-anyos na babae, tinangay at ginahasa raw ng construction worker


Isang grade 8 pupil sa Malasiqui, Pangasinan na nagpaalam sa kaniyang mga magulang na magpapirma ng clearance sa paaralan ang sinasabing tinangay at ginahasa ng isang construction worker.

Ayon sa ulat ng GMA News TV's Balitang Pilipinas nitong Martes, nagpaalam sa kanyang mga magulang ang 14-anyos na biktimang itinago sa pangalang Gwen, para magpapirma umano ng clearance sa kanilang paaralan noong Sabado ng umaga.

Dahil tiniyak umano ng dalagita na hindi ito magtatagal, kinabahan ang mga magulang ng biktima nang tanghali na ay hindi pa umuuwi ang anak.

Sinubukan din daw ng mga magulang na kontakin ang anak pero nabigo sila.

Kaagad silang nagtungo sa paaralan at hindi rin nila nakita ang biktima.

Kinabukasan ng madaling araw (Linggo), nakitang naglalakad at umiiyak ang biktima sa karatig-barangay.

Ayon sa dalagita, isang lalaki ang puwersahan siyang isinakay sa motorsiklo.

Dinala umano siya sa isang bahay at ikinulong nang halos isang araw, at dalawang beses na ginahasa.

Nakatakas umano siya nang makatulog ang suspek, na nadakip kinalaunan na si Roger Caranto, isang construction worker.

"Tinakot niya po ako. Bumigay na rin po ako baka po may gawin po siyang masama sa akin, baka po saktan niya ako," anang biktima.

Pero ayon kay Caranto, hindi niya ginahasa si Gwen, na textmate umano niya.

Paalala naman ng pulisya, laging patnubayan ang mga anak lalo na ang mga minor de edad upang hindi mapahamak. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT