advertisement
Filtered By: News
News

Pag-agaw ng snatcher sa bag ng pasahero ng taxi, nahuli-cam


Paalala sa mga pasahero, maging maingat at mapagmatyag sa paligid kapag nakatigil ang sasakyan. Sa Maynila, nahuli-cam ang ginawang pag-agaw ng snatcher sa bag ng isang pasahero ng taxi na hindi naka-lock ang pintuan.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News 24 Oras nitong Sabado, ipinakita ang kuha sa dash cam video ng isang sasakyan na nakahuli-cam sa pag-atake ng snatcher na nangyari sa Road 10 sa Maynila nitong Biyernes.

Tumigil ang sinasakyang taxi ng biktima nang mag-red ang traffic light. Habang naghihintay sa green light, lumapit sa taxi ang isang lalaki, binuksan ang pinto sa likuran at inagaw ang bag ng babaeng biktima.

Sa kuha ng CCTV camera ng barangay, makikitang hinabol ng pasahero at ng taxi driver ang snatcher na tumakbo patungong Mariones pero hindi nila naabutan.

Nakita naman ang bag ng biktima na iniwan ng snatcher pero wala na ang cellphone nito at cash na aabot sa P3,000.00.

Hindi na rin umano nagsampa ng reklamo ang biktima.

Nakilala naman ng mga opisyal sa barangay ang snatcher na si Nelson Maraya, alyas Ingkong, na ilang beses na raw nasangkot sa katulad na krimen.

Ayon sa kapitan ng barangay, dati nang nakulong dahil sa pagnanakaw ang suspek pero nang makalaya ay muling nasangkot sa snatching sa mga sasakyan nakahinto sa Road 10.

Sinabi naman ng pulisya, nabasura ang huling kasong isinampa laban sa Maraya dahil hindi dumalo sa pagdinig ang biktima.

Kaya panawagan ng mga awtoridad sa mga bumibiyahe, tiyaking naka-lock ang mga pinto ng sasakyan. Dapat din umanong ituloy ng mga biktima ang kanilang reklamo para hindi makalaya ang salarin. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam
LOADING CONTENT